MANILA, Philippines- Nananatiling matatag ang Pilipinas sa laban sa HIV kasabay ng pakikipagtulungan sa UNAIDS at iba pang international partners.
Inilahad ng Pilipinas sa isang pagpupulong kasama ang UNAIDS ang hakbang nito sa HIV response kabilang ang aktibong partisipasyon sa Global AIDS Monitoring upang masubaybayan ang progreso ng bansa gamit ang datos.
Sa harap ng 57 bagong kaso ng HIV kada araw sa bansa, pinalalakas ng gobyerno ang multisectoral at community-based approach para sa HIV prevention.
Pero nagkaroon ng pandaigdigang hamon matapos kanselahin ang kasunduan ng US at UNAIDS na nakaapekto sa teknikal na suporta at adbokasiya sa Pilipinas.
Gayunman, tuloy ang mga inisyatiba tulad ng pag-amyenda sa IRR ng RA 11166 at panukalang Executive Order upang ideklarang public health emergency ang HIV na layong pabilisin ang testing, treatment, at prevention programs.
Ang Pilipinas ay magsisilbi ring miyembro ng UNAIDS Programme Coordinating Board hanggang 2028, at lalahok sa kauna-unahang PCB meeting ngayong Hunyo.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko: makiisa, magpa-test, at suportahan ang kampanya para sa isang HIV-free na kinabukasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden