Home OPINION ITIGIL NA DISKARTENG BULOK

ITIGIL NA DISKARTENG BULOK

201
0

MISTULANG biglang nagkaroon ng himala sa Epifanio delos Santos Avenue o EDSA nang ibalik ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy sa nasabing highway.

Natigil ang mga “magugulo pa sa bulbol” na sasakyan at ang mga “kamote” na motorcycle riders na ngayo’y hindi umaalis sa mga linyang nakatalaga para sa kanila, sa takot na sila ay mapatawan ng multa.

Ang mga sasakyang lalabag sa polisiya at mahahagip ng kamera ay pagmumultahin ang mga driver o may-ari nito.

Mantakin n’yo, CCTV lang pala ang katapat ng mga pasaway. Walang pulis o enforcers na maaaring suhulan.

Aba’y sa laki ng babayaran, tumino ang pagmamaneho ng mga motorista. Masakit nga naman ito sa bulsa. Nabawasan din ang mga disgrasya kung saan may ipinatutupad na NCAP.

Pero hindi talaga mapigil ang mga “diskarteng bulok” at pagiging makasarili ng mga Pilipino sa pag-iisip kung paano makaiiwas sa huli at multa.

‘Yung iba ay tinatakpan ang kanilang plaka para hindi makuhanan ng CCTV at matukoy ang may-ari ng behikulo.

Ngunit may banta ang Metro Manila Development Authority na ang mga mahuhuling nagtatakip ng plaka ay magmumulta nang P5,000.00.

Sinisikap ng gobyerno na maisaayos ang trapiko dahil apektadong malaki nito ang ating ekonomiya. Hindi lang para sa ekonomiya, ang pagpapasunod sa atin sa batas trapiko ay upang tayo’y maging disiplinado sa lansangan.

Kung disiplinado ka sa pagmamaneho, aba’y matino ang kalsada, walang away o walang gulo. Kung susunod, walang magiging gastos.

Sabi nga, sumunod ka lang at baguhin ang asal at kasunod n’yan ay ang pag-unlad ng ating bansa.

Sa simula lang naman mahirap alisin ang “bulok na diskarteng nakasanayan”. Pero ang kasunod naman n’yan ay ang ginhawa ng kalooban.

Bigla mong sasabihin: “Kaya naman pala, sana noon pa!”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here