MANILA, Philippines – Inihalintulad ni Bise Presidente Sara Duterte sa “crucifixion” ang nalalapit niyang impeachment trial.
Ang pahayag ni VP Sara ay habang nasa The Hague siya para ipagdiwang ang kanyang ika-47 kaarawan at dumalo sa rally para sa amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit niya, isa itong anyo ng “political persecution.”
Depensa niya sa nauna niyang pahayag na “bloodbath,” hindi raw ito literal at nais lamang niyang linisin ang kanyang pangalan sa mga paratang.
“Many people refuse to understand the context wherein I give my statements. I think many misunderstood the word ‘bloodbath.’ Many did not want to understand, refused to understand what it means,” anang Bise Presidente.
Pinuna rin niya ang kasong kinahaharap ng kaalyado niyang si Atty. Harry Roque, na umano’y sinisiraan dahil sa suporta nito sa dating pangulo.
Si Roque ay kasalukuyang humihingi ng political asylum sa Netherlands.
Sinabi ni Duterte na hindi siya apektado ng pag-reschedule ng impeachment hearing sa Senado at ipapaubaya na lang ito sa kanyang mga abogado. RNT