TATLONG minuto. Iyan ang tiniyak ng bagong hepe ng Philippine National Police na si PGen. Nicolas Torre III sa pagtugon ng pulisya laban sa mga krimen.
Si Pangulong Marcos Jr. ang nag-utos nito kay Torre matapos ang tatlong taon sa poder sa wakas, naramdaman niyang sobrang laganap na ang kriminalidad sa bansa.
Wala namang duda na kaya itong gawin ng ating mga pulis. Ngunit papaano?
Saan o alin ang numerong tatawagan ng mga tao na nabiktima ng krimen, halimbawa’y hinoldap, para sila’y mabilis na marespondehan ng mga pulis?
Mayroon tayong 911 pero ang tanong e, gumagawa pa ba ito? Mukhang hindi yata e.
Paanong tatakbo sa presinto ang mga gusto humingi ng saklolo sa pulis, kung ang mga ito kadalasan, lalo sa gabi, ay nakasarado?
May makikita ngang ilang mobile car na nakahimpil sa mga alanganing lugar, pero maswerte kung may makitang pulis. Madalas blinker lang ang nakabukas.
Paano makikipaghabulan at reresponde nang mabilis ang mga pulis kung ang mga kriminal ay mala-palos, nakasakay sa motorsiklo o tinatawag na riding-in-tandem, habang sila ay malalaki ang tiyan?
Mabuti sana kung may pulis tayong may agimat o kapangyarihan kagaya ni “Flash Gordon” at “Superman” na sa isang iglap ay nasa crime scene na agad.
Hindi naman sa minemenos natin ang ating mga pulis. Pero handa nga ba talaga sila sa pagresponde sa krimen sa loob ng 3 minuto?
Aba’y may mga “bugok na pulis” pa rin na bago rumesponde, nagpaparinig na kapos sa gasolina at manipis na ang gulong ng kanilang sasakyan, gayong may mobile car naman.
Sana bago “nagyabang”, siniguro muna ni Gen. Torre kung hanggang saan ang kahandaan ng kanyang mga tauhan sa pagtugon laban sa krimen sa loob ng 3 minuto.
Baka kamukat-mukat nyan, imbes pumogi e baka PUMANGIT lang (lalo) ang imahe ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Torre kapag hindi niya natupad ang kanyang pangako.






