Home HOME BANNER STORY Facial Recognition Tech ikakasa sa NAIA

Facial Recognition Tech ikakasa sa NAIA

201
0

MANILA, Philippines – Kaabang-abang ang planong ipatupad na facial recognition technology sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa mas mabilis at episyenteng proseso ng mga pasahero, kapwa international at domestic.

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makabagong teknolohiyang ito bilang bahagi ng pagpapabuti ng serbisyo sa paliparan, na inaasahang makatutugon sa matagal na pila at abala ng mga biyahero.

Ayon sa Pangulo, maipatutupad ang sistema sa loob ng anim na buwan. “We’re trying to make life easier for them na mabilis nga… Hindi na kailangan pang magpakita ng iba’t ibang ID. Mukha na lang nila, ayun na ID. Hindi na kailangang bumunot ng passport… Soon, magkakaroon na tayo niyan,” aniya matapos ang inspeksyon sa NAIA Terminal 3.

Ibinahagi rin ng Pangulo ang mga bagong pasilidad sa Terminal 3 mula nang mapamahalaan ito ng NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), kabilang ang bagong OFW Immigration Annex, OFW Lounge and Rest Area, Transport at Network Vehicle Service Area, at arrival service area.

“Pinipili namin ang pinakamahuhusay na teknolohiya upang maging madali ang pagpasok at paglabas ng ating mga OFWs, mga bisita, at mga domestic passengers,” dagdag pa niya.

Binibigyang-diin ng Pangulo na mahalaga na makasabay ang NAIA sa mga modernong paliparan sa Asya at buong mundo — hindi lamang para sa mahusay na serbisyo kundi para sa imahe ng Pilipinas bilang gateway ng mga turista at Filipino.

Samantala, sinabi ni NNIC Chairman Ramon Ang na mas lalawak pa ang kapasidad ng mga terminal sa 2026. Kasama na rito ang pagtatayo ng Terminal 5 na, kapag isinama sa Terminal 2, ay kayang tumanggap ng hanggang 35 milyong pasahero bawat taon. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here