PASPASAN na ang pag-aresto ng mga awtoridad sa United States sa mga dayuhan na gusto nilang i-deport o patalsikin palabas sa kanilang bansa.
Mismong sina Homeland Security Secretary Kristi Noem at White House Deputy Chief of Staff Stephen Miller ang nagsabi sa mga Immigration and Customs Enforcement agents kailangan na nilang mang-aresto ng mga dayuhan hindi lang 1,000 kundi 3,000 kada araw.
May krimen man o wala ang mga dayuhan.
Kasama sa mga inuuna ng mga ahente ng ICE at iba pang naatasang manghuli ang mga nasa dalawang taon pa lang ang paninirahan sa US.
Kasama rin ang mga dreamer kung tawagin.
‘Yun bang === mga menor-de-edad at nagkakaedad sa US para may marating na magandang kinabukasan at sa kalauna’y nagiging mahalaga rin sa ekonomiya at iba pang larangan sa nasabing bansa.
Karaniwang pumapasok muna ang mga ito sa mga eskwela sa US at sa kanilang pagtatapos, saka sila naghahanap ng mga magandang pagkakitaan at gumawa ng mga kontribusyon nila sa lipunang Amerikano.
Mahigit 10 milyon umano ang mga iligal ang paninirahan sa US at nasa 350,000 dito ang Pinoy.
Pinondohan umano ng pamahalaan ni President Donald Trump ang deportasyon sa halagang 150 bilyong dolyar at inaprubahan na ito ng mga senador at kongresman sa US.
Kaya paspasan na ang mga pang-aaresto, imbestigasyon at pagpapalayas sa mga nakikita nilang palayasin.
Upang lalong mapabilis ang mga pang-aresto at deportasyon makaraan, inatasan na rin ng pambansang pamahalaan ang mga lokal na pamahalaan na maghanap ng mga pwedeng i-deport.
KAHIT SAAN NANG-AARESTO
Medyo nagpreno ang mga nang-aaresto sa mga simbahan at eskwela.
Kasama kamakailan sa mga ni-raid ng ICE agents ang tirahan ng mga Pinoy na guro sa Hawaii na ginising sa dulo ng mga baril.
Lumayas ang ICE agents makaraang mapatunayan ng mga guro ang ligal nilang paninirahan sa lugar at trabaho roon.
Subalit sa ibang mga lugar, kasama ang mga korte, lugar ng trabaho at maging sa mga kalsada, nagtutulong-tulong ang iba’t ibang ahente ng gobyerno ni President Donald Trump sa panghuhuli.
Kasama na rin ng ICE ang mga traffic police sa panghuhuli at marami umano ang dinedetine na bumibiyahe sa mga kalsada at iniimbestigahan at nagiging kandidato sa deportasyon gaya sa Tennessee at Minnesota.
At upang mapabilis na rin ang deportasyon, tumatanggap na ang mga bansang El Salvador, Honduras at Guatemala ng mga deportee na hindi nila kalahi.
Ang Brazil, Mexico, Colombia, Ecuador, Peru at Dominican Republic, tumatanggap na rin ng mga dayuhang deportee at doon na lang magsimulang bumiyahe patungo sa kani-kanilang mga bansa .
MGA PINOY PAANO?
Dapat maging aktibo talaga ang ating pamahalaan para maproteksyunan nang maayos ang mga deportee na Pinoy.
Lalo na kung matulad sila sa iba na pinoposasan sa kamay at kinakadenahan sa paa habang inaaresto sila, nililitis sa deportation court o opisina at itapon sa ibang mga bansa at doon na sila magsimulang umuwi sa Pilipinas.
Nasaan na ang mga paghahanda at pagkilos ng pamahalaan bilang proteksyon sa mga kandidatong deportee?






