Home METRO Bulkang Kanlaon inuga ng 26 lindol

Bulkang Kanlaon inuga ng 26 lindol

278
0

MANILA, Philippines – Aabot sa 26 volcanic earthquakes ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa gitna ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon, iniulat ngayong Biyernes, Hunyo 6, 2025.

Ayon sa Phivolcs, nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang buong paligid ng bulkan. Namataan ang pagbuga ng makapal na usok mula sa bunganga nito na umabot sa 400 metro ang taas.

Ipinahayag din ng ahensya na namaga ang bahagi ng bulkan nitong nagdaang magdamag, indikasyon ng posibleng pag-akyat ng magma sa ilalim ng lupa.

Dahil dito, muling iginiit ng Phivolcs ang rekomendasyong lumikas ang mga residente sa loob ng 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan, upang maiwasan ang panganib ng posibleng pagsabog.

Mahigpit na ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa bunganga ng bulkan, dahil sa panganib na dulot ng abo at posibleng pagputok.

Nagbabala ang Phivolcs na kung magpapatuloy ang aktibidad ng Kanlaon, maaaring makaranas ng mga sumusunod na panganib:

-Biglaang pagsabog ng bulkan

-Pagbuga ng lava

-Pag-ulan ng makapal na abo

-Pagguho ng mga bato

-Pag-agos ng lahar

Patuloy ang mahigpit na pagmamanman ng Phivolcs sa aktibidad ng bulkan at pinaalalahanan ang publiko na sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya para sa kanilang kaligtasan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here