SAMAR- Sa kagustuhang makapagtrabaho sa Maynila para buhayin ang kanilang walong anak, hindi na ito magagawa pa ng isang misis matapos pagtatagain ng kanyang mister at sunod namang nagpakamatay ang huli, noong Huwebes sa bayan ng Paranas.
Dead-on-the-spot ang 38-anyos na misis at mister nitong 48-anyos kapwa residente ng Barangay Tenani, ng nasabing bayan.
Batay sa report ng Paranas Municipal Police Station, bandang alas-5 ng hapon noong Hunyo 5, 2025 naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagtalo umano ang mag-asawa tungkol sa balak ng babae na magtrabaho sa Maynila.
Dahil sa init ng ulo, kumuha ng sundang ang mister at inundayan ng saksak ang kanyang asawa sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nakita ng suspek na patay na ang kanyang misis kaya sunod niya pinagsasaksak ang sarili na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen, natagpuan ang biktima sa likod ng bahay at ang suspek sa loob nito, duguan at wala nang buhay.
Narekober ang dalawang sundang sa pinangyarihan ng krimen habang naulila ng mag-asawa ang walo nilang anak. Mary Anne Sapico