MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Lunes, Hunyo 9, na hindi kasama sa prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang magdadagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa.
Matatandaan na inaprubahan ng Kamara ang bersyon ng legislated P200 wage hike na mas mataas kaysa P100 dagdag sa sahod na inaprubahan ng Senado.
“Ang pinasa ng Kamara ay, ayan na naman sila, P200 across the board huling linggo ng aming sesyon ni hindi kasama’y binanggit sa LEDAC. Ba’t ba ang hilig hilig nilang sa mga ganyan,” ani Escudero.
“Ipapasa pa lang nila ‘yan ba’t hindi brining up sa LEDAC para napag usapan na? Hindi ba? Siguro naman hindi ito maliit na bagay para hindi mabanggit o mapagusapan. Ano ‘to napag isipan lamang pagkatapos ng LEDAC?”
Sinabi pa ni Escudero na magkakaroon ng bicameral conference sa oras na matanggap ng Senado ang kopya ng House bill na ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa noong Hunyo 4.
Sa kabila nito, ipinunto niya na hindi pa malinaw kung i-aadopt ng Senado ang House Bill o ikokompromiso nila ang halaga upang hindi maapektuhan ang ekonomiya.
“If you remember the Senate Bill providing for a P100 across the board wage increase, marami kaming in-exempt para maprotektahan ‘yung maliliit talaga, ‘yUng micro and small industries na hindi kakayanin maski na P100,” pahayag ng senate president.
Nitong Lunes, nagtipon-tipon ang labor groups na Partido Manggagawa at Nagkaisa Labor Coalition sa Senado para ipanawagan ang agarang pag-convene ng bicameral committee para sa pinal na bersyon ng panukalang wage hike.
“We demand that Congress proceed forthwith with organizing the bicam for a final version of the legislated wage increase,” ani Partido Manggagawa secretary general Judy Miranda.
“The P200 wage hike is not excessive but responds appropriately to the wage recovery demand and workers’ just share in the fruits of production. Rigorous research belies the black propaganda and blackmail of employers against wage hikes,” dagdag pa niya.
Mayroong hanggang Hunyo 13 ang Kamara at Senado para pagkasunduin ang magkaibang bersyon ng wage hike measure at ratipikahan ang reconciled version ng panukala para mapapirmahan sa Pangulo.
Kung hindi ito mangyayari ay kailangan itong i-refile sa susunod na Kongreso. RNT/JGC