Home NATIONWIDE Pangalan ng mga drayber sa viral karerahan video, ibinigay na ng Florida...

Pangalan ng mga drayber sa viral karerahan video, ibinigay na ng Florida sa LTO

327
0

MANILA, Philippines – Tumugon na ang GV Florida Transport Inc. sa utos ng Land Transportation Office na ibigay ang kumpletong pangalan ng lahat ng drayber na sangkot sa viral racing video sa Cagayan, ayon kay Asec. Vigor Mendoza nitong Lunes, Hunyo 16.

Sa viral video, anim na bus ang makikitang tila nagkakarerahan sa highway mula Diadi, Nueva Vizcaya patungong Cordon, Isabela noong Hunyo 8.

Sa initial hearing ng LTO noong Hunyo 13, tatlong bus driver lamang ang pinangalanan ng kompanya.

Binigyan ng LTO ng hanggang ngayong araw, Hunyo 16, ang bus company upang ibigay ang pangalan ng iba pang mga drayber na sangkot sa video kung hindi ay mahaharap sa mas mabigat na patusa.

Sa briefing ng Department of Transportation, sinabi na sumunod na ang GV Florida Transport Inc. sa utos ng ahensya.

“Over the weekend nag-comply na sila. May hearing tomorrow yung sa Florida. Pagtapos ng hearing bigyan namin agad ng desisyon,” dagdag ni Mendoza.

Aniya, nauna nang binawi ang lisensya ng tatlong drayber na napangalanan sa insidente.

Nakatakdang magkaroon ulit ng panibagong hearing bukas, Hunyo 17. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here