Home HOME BANNER STORY Lisensya ng taxi driver na nanaga ng singil sa pasahero ipinakakansela ni...

Lisensya ng taxi driver na nanaga ng singil sa pasahero ipinakakansela ni Dizon

Galit na ipinakita ni DOTR Sec. Vince Dizon ang larawan ng kuha mula sa viral video na naningil ng P1,260 para sa biyahe mula NAIA Terminal 3 papuntang Terminal 2, kung kaya’t agad na inutusan ni Secretary Dizon ang LTFRB at LTO na i-revoke ang lisensya ng isang taxi driver at ang prangkisa ng operator. REY NILLAMA

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon na bawiin ang lisensya ng taxi driver na nag-viral dahil sa mataas na singil ng pamasahe sa isang pasahero.

Sa viral video, isang ginang ang nagrereklamo dahil sa P1,260 na singil ng taxi driver mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 hanggang Terminal 2.

Ayon kay Dizon, intasan na niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na i-revoke ang registration ng driver at prangkisa ng operator.

Ayon kay Dizon, posible umanong hindi alam ng operator ang ginagawa ng kanilang driver.

Aniya, nang mapanood ang video ay pinadalhan agad ng show cause order.

Ayon sa pasahero, nagkasundo sila ng driver na susundin ang metro ng taxi ngunit pinakitaan sila ng presyo sa kaniyang cellphone ng halagang P1,260.

Mula Terminal 3 hanggang Terminal 2, tatahak lamang ng 84 kilometro batay na rin sa Google maps kung saan aabot lamang ng 22 minuto ang tatakbuhin ng sasakyan.

Sa nasabing video, nagagalit ang pasahero dahil sa gulat na napakalaki ang kanyang babayaran kaya naman sinabi ng driver na kahit P1,100 na lang.

Ayon pa sa pasahero, bukod sa P1,100 ay nagbayad pa ito ng tollgate na P45.

Nasa ilalim umano ng Taxi Hub Transport ang taxi. Ang unit ay na-impound na ng LTO, kung saan inaasahang kukunin ng driver at operator ang unit ngayong Lunes, Hunyo 16.

Nanawagan si Dizon sa publiko na patuloy na iulat ang mga driver na naniningil ng sobra at sa halip ay inirekomenda ang transport network vehicle service (TNVS) o ride-hailing applications.

Payo pa ni Dizon sa publiko, huwag matakot na i-video at i-tag ang DOTr at LTO para agad itong maaksyunan. Jocelyn Tabangcura-Domenden