MANILA, Philippines – Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa P321.98 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Cagayan nitong weekend.
Sa pahayag, sinabi ng PDEA na itinurn-over ng dalawang mangingisda ang nasa 45.6 kilo ng shabu na palutang-lutang sa dalampasigan ng Barangay Centro 6, Claveria, Cagayan, madaling araw ng Linggo, Hunyo 15.
Ayon sa PDEA, ang illegal na droga ay binubuo ng 50 plastic packs ng gold tea bags na may label na “DAGUANYIN” at may marka ng Chinese characters at nagkakahalaga ng P312.8 milyon.
Dalawang araw bago rito ay narekober din ng mga awtoridad ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon sa dagat na sakop ng Sitio Narvacan, Barangay Dilam, Calayan, Cagayan sa seaborne patrol operation.
Sa kapareho ring araw, isinuko ng mangingisda at barangay kagawad ang isang pack ng lumulutang na shabu na tumitimbang ng 750 gramo na nagkakahalaga ng P5.1 million sa Sitio Mingay, Brgy. San Juan, Sta. Praxedes, Cagayan.
“The swift response and coordinated efforts of multiple law enforcement agencies ensured the safe recovery and proper documentation of the illicit substances,” anang PDEA.
Ang operasyon ay joint collaboration ng PDEA, the Philippine National Police at Philippine Coast Guard.
Lahat ng narekober na hinihinalang shabu packs ay naiturn-over na sa PDEA Regional Office 2 Laboratory Office para sa qualitative at quantitative examination. RNT/JGC