MANILA, Philippines – Patay ang isang wanted na suspek sa pagpatay kay dating Dolores, Quezon Vice Mayor Danilo Amat matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Tayabas City, Quezon nitong Biyernes, Hunyo 20.
Ayon sa ulat ng Quezon police nitong Sabado, bandang alas-5 ng umaga ay tinungo ng mga operatiba na armado ng arrest warrant, ang bahay ng suspek na si “Orlando,” 52, sa Barangay Malao-a.
Sa halip na sumuko, pinaputukan umano ni Orlando ang mga pulis ngunit hindi ito tumama. Gumanti ng putok ang mga awtoridad at tinamaan naman ang suspek.
Naisugod pa siya sa Tayabas Community Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Narekober sa kanya ang isang Norinco caliber .45 pistol na may anim na bala.
Si Orlando ay isa sa mga akusado sa pamamaslang kay Amat noong Hulyo 22, 2022 habang nagmamaneho sa San Pablo City, Laguna. Nakilala siya at ang dalawa pang dating bodyguard ni Amat sa CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Kinasuhan na ng murder ang tatlo bago pa man ang insidente. RNT/JGC