MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P3.627 billion para suportahan ang ginagawang psgsusulong ng gobyerno para sa rural electrification, alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makamit ang ‘total electrification’ sa 2028.
Sa katunayan, inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa Strategized Rural Electrification and Operational Reliability program ng National Electrification Administration (NEA) for Fiscal Year (FY) 2025.
“Of this amount, based on their report, NEA will be able to cover the energization of 1,752 sitios and five barangays under the 2025 subsidy,” ang sinabi ni Pangandaman.
Sa nasabing halaga, ang P3.439 billion ay gagamitin bilang pangsuporta sa Sitio Electrification Program habang ang P68.839 million ay inilaan para sa Barangay Line Enhancement Program, target ang limang barangay na dati nang pinagsilbihan ng unsustainable off-grid systems.
Ang karagdagang P120 million ay gagamitin naman para bumili at ipamahagi ang 4,000 solar photovoltaic units para sa malalayong lugar na walang access sa isang maaasahang power supply.
“Malaking bagay po ‘yan para sa ating mga kababayan na hirap maabot ng serbisyo na mapailawan ang kanilang mga kabahayan,” ang sinabi ni Pangandaman.
“Sa pamamagitan din po nito, maisasakatuparan natin ‘yung ipinag-utos ng Pangulo na bigyang internet connection ang mga paaralan sa malalayong lugar,” aniya pa rin.
Samantala, mula 2017 hanggang 2024, pinagana ng NEA ang 9,645 sityo, may 9,622 sityo ang nananatiling ‘unenergized’ na popondohan hanggang 2028. Kris Jose