Home METRO Pulis todas sa pamamaril ng ex-convict

Pulis todas sa pamamaril ng ex-convict

215
0

CAVITE, Philippines – Patay ang isang pulis habang sugatan ang kasamahan nito matapos silang barilin ng ex-convict na nahuli din sa kasong pagnanakaw, iniulat kahapon sa bayan ng Carmona.

Kinilala ang nasawi na si Police Master Sgt. Joel Mendoza habang sugatan si Police Staff Sergeant Joseph Martin Fabula, kapwa kasapi ng Carmona Component City Police Station.

Kinilala ang napatay din na suspek na si Oliver Tinguha, 29, residente Brgy. Limook, Basilan, at kalalabas laman ng Iwahig Prison and Penal Farm noong Sabado, Hunyo 28, 2025.

Batay sa report ng pulisya, bandang 9:20AM naganap ang krimen sa loob ng nasabing istasyon ng pulisya.

Dinakip ang suspek ng mga opisyal ng barangay sa Carmona matapos masangkot sa kasong pagnanakaw at dinala ito sa istasyon ng pulisya sa para imbestigasyon.

Pagdating sa Carmona Component City Police Station, bigla na lamang hinablot ng suspek ang baril ni Mendoza saka pinagbabaril niya ito na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran kamatayan.

Tumulong naman si Fabula para awatin ang suspek subalit maging siya ay binaril, dahilan para barilin ang suspek ng mga kasamahan pulis.

Isinugod naman sa ospital ang tatlo pang sugatan subalit idineklara ng doktor na patay si Mendoza at ang suspek.

Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang Glock pistol na pagmamay-ari ni Mendoza.

Kinukuwestyon naman ngayon ng internal investigation ang dalawang pulis na on-duty at nalusutan sila ng suspek na nagawang makaagaw ng baril ng kanilang kasamahan habang nasa kanilang kustodiya.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here