CEBU City, Philippines – Patay ang isang binata habang kritikal ang dalawang batang kapatid matapos silang pagtatagain ng kanilang tiyuhin, kahapon, Hulyo 2, sa bayan ng Asturias.
Kinilala ang nasawi na si Kyle Padilla, 18, habang ginagamot sa ospital ang mga kapatid nitong sina Princess, 8, at Steven, 10, lahat ay residente ng Barangay Owak, Asturias.
Nadakip naman ang suspek na kinilalang si George Goc-ong Batomalaque, 46, may-asawa, at residente ng Barangay Vito, Balamban, Cebu.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Bendie Nuñez, imbestigador ng Asturias Police Station, bandang 4:35 AM noong Martes, Hulyo 2, 2025, naganap ang krimen sa loob ng bahay ng magkakapatid sa nasabing lugar.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, mahimbing na natutulog ang magkakapatid ng biglang pasukin sila ng suspek sa kanilang silid at pinagtataga gamit ang 12 pulgadang patalim.
Nagtamo ng sugat sa mukha at balikat si Kyle na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Habang nagtamo naman ng sugat sa noo si Princess at sa likod ng ulo si Steven.
Sa kabila ng tinamong sugat ni Princess nagawa pa nitong makatakbo palabas ng bahay at nakahingi ng tulong.
Agad na dinala sa ospital ang mga biktima para lapatan ng lunas, nakatakas naman ang suspek.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya nahuli ang suspek sa bahay nito at nakuha ang ginamit na patalim.
Sa imbestigasyon ng pulisya, magkaaway ang ama ng mga biktima at suspek subalit sinasabing nagseselos ang suspek kay Kyle na ang ina ay kapatid ng asawa ng suspek.
Nahaharap ngayon sa kasong murder at frustrated murder ang suspek. /Mary Anne Sapico