MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na inalis na ng Pilipinas ang ban sa pag-angkat ng manok at iba pang poultry products mula sa anim na estado sa Amerika.
Kabilang dito ang Indiana, Maryland, Missouri, New York, Ohio, at Pennsylvania.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., binawi ang ban matapos makumpirma ng US veterinary authorities na wala nang kaso ng highly pathogenic avian influenza (bird flu) sa mga naturang lugar mula pa noong Hunyo 9.
Kasama sa muling pinayagang iangkat ang karne ng manok, itlog, sisiw, at bird semen para sa artificial insemination.
Ani Tiu Laurel, ang desisyon ay “batay sa siyensiya at alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.”
Dagdag pa niya, layunin nitong mapalakas ang suplay ng manok sa bansa at mapagaan ang presyo sa merkado.
Gayunpaman, iginiit niyang dapat sumunod ang lahat ng imported shipments sa mga umiiral na quarantine protocols at food safety standards ng DA.
Mananatili ang lifting ng ban hangga’t walang opisyal na pagbawi, ayon sa DA. Santi Celario