Home TOP STORIES P9-B ‘midnight deal’ sa subway sa Makati, ibinunyag ni mayor Binay

P9-B ‘midnight deal’ sa subway sa Makati, ibinunyag ni mayor Binay

269
0

Makati City — Ibinunyag ng bagong administrasyon ng Lungsod ng Makati ang pagkakaroon ng isang settlement agreement na may halagang P8.96 bilyon sa pagitan ng nakaraang pamahalaang lungsod at ng Philippine InfraDev Holdings Inc. (PhilDev), ang proyektong contractor ng ipinanukalang Makati Subway Project.

Noong Hunyo 20, 2025, iniulat na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Makati ang isang resolusyon na nagbibigay ng awtorisasyon sa pagpasok sa kasunduan, kasunod ng arbitration proceedings na inihain ng PhilDev sa isang international arbitration tribunal.

Ayon sa dokumentong natuklasan ng bagong administrasyon, nilagdaan ang kasunduan noong Hunyo 23—pitong araw bago matapos ang termino ng mga halal na opisyal. Sa ilalim ng kasunduan, nakasaad umano na kailangang bayaran ng lungsod ang PhilDev ng P8.96 bilyon sa loob ng 90 araw mula sa paglalabas ng consent award ng Singapore International Arbitration Center (SIAC).

Nagpahayag ng pagkabahala si Mayor Nancy Binay hinggil sa potensyal na epekto ng kasunduan sa pananalapi ng lungsod.

“Malalagay po sa binggit ng alanganin ang pampinansyal na kalusugan ng ating Lungsod kung sakaling maipatupad ang settlement agreement. Sa kasalukuyan, walang sapat na pondo ang lungsod upang tustusan ang nasabing obligasyon.”

Kinumpirma naman ng City Budget Department noong Hulyo 3 na walang nakalaang pondo sa 2025 budget para tugunan ang nasabing bayarin.

“Nagulat din po tayo sa biglaang pag-apruba ng isang kasunduang may malawakang epekto sa financial standing ng lungsod, lalo’t wala itong kalakip na budget certification, konsultasyon sa publiko, o kaukulang pagsusuri ng mga implikasyon nito,” dagdag pa ni Mayor Binay.

Binanggit din ni Binay ang posibilidad na ang kabiguang makabayad sa itinakdang panahon ay magdulot ng karagdagang multa na $30 milyon (tinatayang P1.7 bilyon) at mga interest charges.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang opisyal at residente sa timing at proseso ng naturang kasunduan, lalo pa’t isinagawa ito ilang araw bago ang pagtatapos ng termino ng dating mga opisyal.

Ayon kay Binay, inatasan na niya ang legal department ng lungsod na ihanda ang mga kinakailangang dokumento upang ihain ang pormal na posisyon ng lungsod sa SIAC.

“Hindi natin dapat basta tanggapin ang mga kasunduan ng ganitong kalakhan kung kulang sa transparency, due diligence, at legal safeguards.”

Bilang tugon, ipinahayag ni Binay na maglalabas siya ng executive order upang bumuo ng isang fact-finding committee na susuri sa lahat ng mga Public-Private Partnership (PPP) projects na pinasok ng lungsod upang matiyak na naaayon ito sa interes ng mga mamamayan ng Makati. .

“I will also be issuing an executive order calling for the formation of a fact-finding committee to investigate and look into all Public-Private Partnership projects entered into by the city government to ensure the best interest of the people of Makati will always be protected.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here