CALOOCAN, Philippines – Sugatan ang isa sa dalawang suspek sa pagtangay sa motorsiklo ng isang babae matapos itong makipagpalitan ng putok sa mga pulis na rumisponde sa Caloocan City kagabi, Hulyo 7.
Batay sa report na ipinarating sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth na tinangay umano ng dalawang lalaki ang Yamaha NMAX motorcycle ng 34-anyos na babaeng residente ng Malabon City habang nakaparada sa A. Mabini St., Brgy. 13, Caloocan City.
Dahil dito humingi ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 3 na agad nagsagawa ng follow-up operation hanggang maispatan nila ang mga suspek sa Baltazar St., Brgy. 69, dakong alas-10:35 ng gabi sakay ng tinangay na motorsiklo.
Tatakas sana ang mga suspek matapos harangin ng mga pulis, naglabas umano ng baril ang backrider na si alyas “Amir”, 28, at pinaputukan ang mga pulis subalit, hindi ito tumama na naging dahilan upang mapilitang gumanti ng putok ang mga parak.
Tinamaan sa tiyan at kanang binti si alyas Amir na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya at nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at isang spent cartridge.
Isinugod si alyas Amir sa Tondo General Hoslpital kung saan ginamot ang tinamo niyang tama ng bala habang naaresto naman sa patuloy na follow-up operation ng pulisya ang kanyang kasabwat na si alyas “Brazil”, 27, at nabawi rin ang tinangay na motorsiklo ng biktima.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016), at Direct Assault. (Merly Duero)