KASIBU, Nueva Vizcaya – Tuluyan nang naaresto ang isang ama na tinaguriang No. 7 Top Most Wanted Person sa lalawigan matapos ang paulit-ulit na panggagahasa sa sarili nitong anak na menor de edad dito sa nasabing bayan.
Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Roselle Damil, hepe ng Kasibu Police Station kay PCol. Jectipher Haloc, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, kinilala ang suspek na si Alyas Ferdinand, nadakip sa bisa ng Mandamiento de Arresto na inilabas ng RTC Branch 37, 2nd Judicial Region.
Nahaharap ang suspek sa 4 counts ng Qualified Rape at 3 counts ng Acts of Lasciviousness.
Ayon sa imbestigasyon, matagal nang ginagahasa ng suspek ang kanyang anak ngunit hindi ito agad naiulat dahil sa pananakot at pagbabanta ng amang suspek.
Nagkaroon lamang ng lakas ng loob ang biktima na magsumbong nang pansamantala siyang manirahan sa kanyang lolo.
Noong 2023, sinamahan ng ina ng biktima ang bata upang magsampa ng kaso. Makalipas ang dalawang taon, naaresto rin ang suspek.
Ayon pa kay Maj. Damil, nakakaalarma ang pagtaas ng kaso ng pang-aabuso, lalo na sa mga liblib na barangay.
Dahil dito, nagsasagawa na sila ng mga symposium at information drive upang palakasin ang kaalaman ng kababaihan sa kanilang karapatan at sa mga hakbang laban sa karahasan. REY VELASCO