MANILA, Philippines – Matinding kinuwestiyon ni Senador Ping Lacson ang itinuturi nitong hindi pantay at maling distribusyon at paglalaan ng multi-bilyong pondo sa flood control projects sa 2025 national budget sa harap ng lumalalang baha sa maraming panig ng bansa tuwing tag-ulan.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson, tumakbong senador sa hanap ng Alyansa ng administrasyon at natalong presidentiables noong 2022 na nakabalik na may paghihiganti ang hindi patas at baluktot na alokasyon sa flood control project sa pambansang budget.
Isa ito sa pangunahing natuklasan ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson sa kanyang pagbusisi sa 2025 General Appropriations Act (GAA), na aniya’y “mangled beyond recognition.”
“May nakita na kami doon na pagkaliit-liit na barangay sa napakaliit na bayan, nagkaroon ng appropriation na P1.9 bilyon. Pagkaliit liit na bayan nagkaroon ng appropriation na almost P10 bilyon. Dapat tanungin namin yan. Ako mismo tatanungin ko yan. Kaya bang i-absorb yan? Ang P10B ng napakaliit na bayan na ang tao mahigit 10,000. Per capita pa lang parang di na equitable ang distribution ng budget,” ani Lacson sa panayam sa One News Miyerkules ng hapon.
“Tatanungin ko, ipapa-clarify ko… Anong nangyari sa P10B na in-appropriate sa maliit na bayan? Nang nakita namin, may riverbank pero teka, isang munisipyo lang ba ang sakop ng riverbank? Bakit ang ibang munisipyo nakatabi na may kasamang riverbank, kasi flood control eh,” dagdag niya.
Ani Lacson, na sisimulan ang ika-20 Kongreso na “up and running,” binubusisi niya at ng staff niya ang mga item sa budgets para sa 2023, 2024 at 2025.
Bago natapos ang termino niya bilang senador noong 2022, tiniyak ni Lacson at noo’y Sen. Franklin Drilon na maalis ang appropriation para sa dredging at flood control projects, dahil ito ang ugat ng katiwalian.
Dagdag niya, may impormasyon siyang nakuha na ang backhoe para sa flood control program ay ginagamit lamang kung may nag-inspeksyon, at naka-parade rest kung nakaalis na ang inspection team.
“We succeeded before we termed out, nanalo kami sa bicam noon. E bumalik with a vengeance eh,” aniya.
Ikinalungkot ni Lacson na bago dineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), ang PDAF ng mga senador ay P200 milyon at ang PDAF ng taga-Kamara ay P70 milyon. Ngayon, may impormasyon na may senador na may P5-10 bilyon, at ilang myembro ng Kamara ay may P15 bilyon.
Inilarawan ni Lacson ang sitwasyon ng bayan kung saang gumagastos ito ng P16 bilyon nguni’t kumikita lang ng P12 bilyon kada araw, kung kaya’t kailangan nitong mangutang ng P4 bilyon kada araw.
“Pag hindi natin pinatino ang national budget baka kalabasan niyan after 1-2 years inuutang natin P6 billion a day, after 5 years utang natin P10 billion a day. Saan tayo pupulutin?” aniya. Ernie Reyes