KAMAKALAWA, nagkandaletse-letse ang maraming bahagi ng Kamaynilaan dahil sa maghapon at halos magdamag na ulan.
Ang Las Pinas City at Muntinlupa City ang labis na tinamaan, kasama ang ilang bahagi ng South Luzon Expressway.
Sa Las Pinas, lumubog sa mahigit 6 piye sa baha ang ilang barangay.
Hanggang tuhod at beywang naman ang tumama sa Muntinlupa at SLEX.
Mahigit isang oras lang ang baha sa ilang lugar pero inabot naman ng mas matagal pa sa iba.
Karaniwang napunta ang baha sa Laguna de Bay at mayroon din sa Manila Bay.
Pero ang nilikha na baha ng malakas at mahinang pag-ulang dala ng habagat na tuloy-tuloy ay lumikha naman ng trapik na katakot-takot.
Halimbawa ang mga kasama natin sa trabaho na nanggaling sa Intramuros, Manila dakong alas-8:00 ng gabi noong Martes ay nakauwi na lang sa Las Pinas dakong alas-4:00 ng madaling araw.
Natulog sila sa daan sa loob ng mga sasakyan nila habang ang iba, gaya mga sakay ng mga bus, bumaba at lumusong na lang papunta dapat nilang puntahan.
Kanya-kanyang remedyo na lang kung paano nila nilutas ang mga tawag ng kalikasan gaya ng pagdumi at pag-ihi.
Dinaanan nila ang mga binaha at nasiraan ng sasakyan na bumara sa SLEX at iba pang mga kalsada.
Ganyang kaperwisyo ang baha.
Nasaan na nga pala ang mahigit nang 5,500 anti-flood control project ng pamahalaang Marcos?
Nasaan ang ipinagmamalaking P600 bilyong anti-flood projects sa nakaraang tatlong taon at ang bahagi ng mahigit P300 bilyong para sa 2025?
Pwera pa rito ang mga inilalaan ng mga local government unit.
Hindi kaya napunta ang malaking bahagi ng bumabahang pondong bayan sa bulsa ng mga mandarambong at korap sa Kongreso at Malakanyang?
Ngayon pa lang, may nasilip na si Senator Ping Lacson na bilyon-bilyong pisong pork barrel na anti-flood project para sa iisang kongresman at iisang senador lamang.






