Home OPINION PINOY SA RED SEA: SANA BUHAY PA SILA

PINOY SA RED SEA: SANA BUHAY PA SILA

254
0

SINABI ni Department of Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia na wala pang katiyakan sa balitang patay na ang tatlong Pinoy na kabilang sa 13 missing na sakay ng MV Eternity C nitong nakaraang nakaraang Lunes.

Pinasabugan at pinalubog ng mga rocket at missile ng mga Houthi sa Red Sea ang nasabing barko bilang pakikiisa nila sa mga Hamas at Palestino laban sa Israel na nangmamasaker sa mga Palestino sa Gaza, Palestine.

Ayon kay Olalia, malalaman lang ang totoo kung makakausap na ang mga naligtas na walong Pinoy na natagpuang lumulutang-lutang sa gitna ng Red Sea.

Sa kabuuan, may 13 Pinoy na nawawala at sinasabing dinala sila ng mga Houthi sa ligtas na lugar.

Sana nga ligtas sila dahil maya’t maya, may pagbomba ang Israel sa Yemen at sinasabing sumasali rito ang United States at United Kingdom.

600,000 SEAMEN

Malaking ang bilang ng mga seaman ng Pilipinas.

Nasa 400,000 ang pang-internasyunal samantalang bumibiyahe ang 200,000 sa loob ng teritoryo natin.

Magdadagdag pa tayo ng mga seaman dahil kulang na kulang umano ang mga ito, lalo na ang para sa opisyal ng mga barko.

Ayon sa Baltic and International Maritime Council at International Chamber of Shipping, kailangan ang 89,510 opisyal sa 2026 para sa pagtakbo ng mga barkong pangnegosyo.

Gagawin ang pagdaragdag kahit 25-30 porsyento ng suplay ng buong mundo ang galing sa Pilipinas.

Sa katunayan umano, mga Pinoy ang pinakamalaking grupo ng mga seaman sa buong mundo at sumusunod dito ang Russia, Indonesia, China at India.

GUSTONG-GUSTO NG MGA DAYUHAN

Gustong-gusto umano ng mga dayuhan ang mga Pinoy dahil sa kanilang angking galing, propesyunalismo, magandang training at mahusay na paggamit ng lengguwaheng internasyunal, Ingles lalo na.

Malaking bentahe naman sila ng pamahalaan dahil nakapagpapasok ang mga ito ng mga dayuhang salapi, ang US dollar lalo na, na gamit nito sa pakikipagkalakalan at pagbabayad ng utang sa ibang mga bansa.

Mahigit USD602.35 milyon o PHP40 bilyon ang padala nila taon-taon.

Isa pa, ang mga pamilya ng mga seaman, karaniwang hindi nagdedepende sa ayuda mula sa pamahalaan kaya hindi sila problema kahit may mga kalamidad na dumarating sa bansa na sumisira sa buhay at ari-arian.

Nasasaksihan din natin kung paano pinagyayaman ng mga pamilyang seaman ang mga remittance ng mga Pinoy seaman sa anyo ng kakayahang magpaaral ng mga anak o asawa, pag-asikaso sa mga pamilyang maysakit, pagbuo ng mga hanapbuhay at marami pang iba.

AYUDA NARARAPAT LANG

Dahil sa halaga at pagsasakripisyo ng mga seaman, nararapat lang na bigyan sila ng agaran at buong atensyon ng pamahalaan sa mga oras ng kagipitan.

Kabilang dito ang mga nakauwi nang crew ng MV Magic Seas na pinalubog din ng mga Houthi nitong nakaraang Linggo na sinundan ng MV Eternity C noong Lunes-Martes.

Hindi pa tayo tiyak kung nakauwi na sila lahat habang tinitipa ito ngunit 11 sa 17 crew ng MV Magic Seas ang nakauwi na.

Hindi natin titigilan ang pagsubaybay sa mga ginagawa ng pamahalaan para maging ligtas sa kapahamakan ang mga Pinoy seaman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here