TATLONG taong manunungkulan si Mayor Isko Moreno at ito ay mula 2025 hanggang 2028.
At dahil si Mayor Isko ang pinagkakatiwalaang punong- lungsod, siguro kahit sa susunod na anim taon, hamon natin sa kanya ang pakikipaglaban sa napakapanirang baha sa kanyang lungsod.
Kung mapagagaan niya ang mga malalang baha sa Taft Avenue, Jose Abad Santos, crossing ng Recto at Avenida Rizal at Avenida Rizal sa parteng Blumentritt at R. Papa Station sa Avenida Rizal sa loob ng 3-9 taon, karapat-dapat talaga siyang punong lungsod ng Maynila na punong lungsod ng Pilipinas.
Sa ganyang kalagayan, milyones na tao, kahit hindi taga-Maynila at mga dayuhang turista, ay makikinabang at lalong kikilalanin ang Maynila na kapital ng bansa.
Siyempre pa, hindi makakayanan ng pamahalaang lungsod nang solo ang laban.
Kakailanganin niya ang tulong ng lahat ng kongresman mula sa anim na distrito ng lungsod.
Kung magtutulong-tulong ang lahat ng mga opisyal na ito, tiyak namang magtatagumpay ang giyera sa baha.
Ang panawagan natin ay batay sa sarili nating karanasan sa baha sa mga lugar na ito.
Dalawang beses na akong nasiraan ng sasakyan sa mga bahang ito.
At kung masiraan ka ng sasakyan na magbubunga ng overhaul ng makina, napakalaking gastos ‘yan na hindi ko na kailangang ipaliwanag.
Tiyak namang hindi lang ako ang nakaranas nito kundi marami pang iba.
Tiyak din nating higit na marami pa, milyon ang nabibiktima sa baha sa mga kalsadang ito, kasama ang mga negosyante sa mga binabahang lugar, nag-aangkat ng mga kalakal sa Divisoria at Binondo, nasa sektor ng transportasyon, estudyante at marami pang iba.
Kung iisipin, bata pa si Mayor Isko, mulat na siya at alam niyang bangungot sa mga Manilenyo at iba pa ang mga baha kaya dapat masolusyunan.
Sey n’yo, mga brad?






