MANILA, Philippines – Inilikas na ang mga residente na nakatira malapit sa Taal Lake at mga bulubunduking bahagi ng bayan ng Laurel, Batangas dahil sa matinding pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas pa ng Bagyong Crising.
Kabilang sa mga nagsilikas ay ang mga residente ng Sitio Bukal sa Barangay Gulod, isa sa mga lugar na labis na nasalanta ng Bagyong Kristine noong Oktubre 2024.
Dahil sariwa pa sa alaala ang trahedya noong nakaraang taon, mas pinili ng ilang residente na lumikas nang maaga upang makaiwas sa panganib.
Aabot sa 74 na pamilya o 239 indibidwal ang inilikas patungo sa mga paaralan at bahay ng kanilang mga kamag-anak.
Dalawampu’t isang pamilya o 63 katao naman ang pansamantalang nanunuluyan sa Gulod Elementary School, habang ang iba ay nakikituloy muna sa kanilang mga kaanak.
Ayon kay Laurel Mayor Lyndon Bruce, nagsagawa na sila ng preemptive evacuation upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
“Kung pupuwede habang ganito ang panahon, para maging safe ang bawat isa, kailangan sumunod po muna sila at nasa ligtas na lugar. Kahapon pa po kami nag-aabiso sa kanila na lumikas na,” ani Mayor Bruce.
Kabilang sa mga nagsilikas ay ang mga taga-Barangay Gulod, Boso-Boso, at Leviste. Naputol na rin ang suplay ng kuryente sa bayan ng Laurel. RNT/JGC