MANILA, Philippines – Nanawagan ang Kabataan Partylist sa pamahalaan na palakasin ang suporta sa mga senior citizen sa halip na iasa ito sa mga anak, kasunod ng panukalang batas ni Sen. Panfilo Lacson na maaaring mag-obliga sa mga anak na suportahan ang kanilang magulang sa pamamagitan ng korte.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, dapat tiyakin ng gobyerno ang sapat na trabaho, sahod, at serbisyong panlipunan upang hindi maging pasanin ang pagtulong sa magulang.
“Hindi naman mahihirapang sumuporta ang mga anak sa magulang kung sasapat lang ang sahod at trabaho nila at maayos ang pag-abot ng batayang serbisyo ng gobyerno. Healthy families require state support,” aniya.
Giit ng grupo, hindi dapat gawing batas ang pagbabayad ng utang na loob at hindi rin dapat ituring ang mga anak bilang “retirement plan.”
“The government would benefit more in taking care of the new generation instead of hostaging them to ensure the welfare of the older generations,” dagdag pa ng pahayag.
Nanawagan din ang Kabataan sa gobyerno na buwagin ang mga polisiya na inuuna ang tubo kaysa serbisyo, at tapusin ang katiwalian upang mailaan ang pondo sa tunay na serbisyong panlipunan.
Tugon naman ni Lacson, hindi ito sapilitan at isasaalang-alang ng korte ang kakayahang pinansyal at kasaysayan ng pang-aabuso o kapabayaan ng mga magulang. Nakasaad din sa panukala ang pagtatayo ng mga tahanan para sa matatanda sa bawat lokal na pamahalaan.
Ayon naman sa Malacañang, nakasaad na sa Family Code ang tungkulin ng mga anak sa magulang, at may umiiral nang mga benepisyo para sa senior citizens gaya ng diskwento at iba pang programa.
“Maraming ginagawa ang administrasyong ito para sa mga elders. So, huwag po muna sigurong maging negatibo,” ayon kay Palace press officer Claire Castro.
“Mahal namin ang mga magulang namin, kaya makikipaglaban ang kabataan para sa isang gobyerno na tunay na maglilingkod para sa mamamayan, bata man o matanda. Deserve nating lahat ito,” pagtatapos ni Co. RNT/JGC