NAKABALIK na sa ating kawawang bansa si Pangulong Marcos Dayunyor matapos ang dalawang araw na pagbisita sa ‘Tadong Unidos kung saan “mainit” (dapat lang) ang naging pagsalubong sa kanya ni Donald Trump, sampu ng kanyang mga kampon katulad ni Secretary Mark Rubio at Defense Secretary Pete Hegseth.
Isa tayo sa mga sinserong tagasuporta ni Pangulong Bongbong Marcos, mga kababayan, peksman!
Pero sa resulta ng kanyang pagbiyahe kung saan muli niyang “itinali” sa tanikala ng pagkaalipin tayong lahat at ang ating minamahal na Pilipinas, sino ang hindi madidismaya?
Alam ba ninyo na 17-porsiyento ang taripa ng ating mga produkto na ibebenta sa Amerika na itinaas ni Trump sa 20-porsyento at pagbalik ni PBBM kahapon, ang tangi niyang nagawa ay maibaba ito ng isang punto sa 19-porsyento?
Sa kabilang banda, sa kanyang ‘Truth Social Account’ ibinandera ni Trump na “ZERO,” “bokya,” alaws” babayarang taripa ang mga produkto inaangkat natin sa Amerika.
Masahol pa rito ang katotohanan na hindi pala natin pwedeng gamitin kahit sa panahon ng krisis at delubyo ang mga base militar ng Kano sa sarili nating teritoryo ng walang permiso ni Uncle Sam—ayon mismo kay Department of National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro.
Pumayag din si PBBM na hindi tayo pwedeng gumawa ng ‘trade treaty’ sa ibang bansa nang walang permiso ng Amerika at sasama tayo sa anomang ‘trade war’ na ilulunsad ng Amerika sa ibang bansang “kaaway” nila katulad ng China, Russia at Iran!
Sa ganitong sitwasyon, huwag nang magyabang ang ating mga opisyal na isa tayong bansang nagsasarili, may kalayaan at soberanya!
Daan-daang libo nating mga ninuno ang namatay at itinuring nating mga bayani upang ipaglaban ang ating kalayaan sa pang-aalipin ng mga Espanyol, Amerikano at Hapon. Soberanya nga kasi ang “susi” sa totoong pagsulong at pag-unlad ng anomang bansa.
Hindi natin inaasahan—at huwag nating tanggapin—na sa isang iglap lang, sa ilalim ng rehimeng ito, ibinalik tayo bilang kolonya ng Imperyalistang Kano.
Ang kalayaan, ipinaglalaban, hindi ipinanlilimos o ibinebenta sa mapang-aping dayuhan!






