Home OPINION BUHAY-BAHA NAKALULUNGKOT

BUHAY-BAHA NAKALULUNGKOT

117
0

ANO kaya ang maramdaman mo kung mabubuhay ka sa ibabaw ng baha at high tide?

Kung hindi naman, paano kung hindi ka makauuwi dahil lubog sa baha mula tuhod hanggang leeg ang loob ng iyong bahay?

Paano rin kung hindi ka makapaghanapbuhay, magnegosyo o makapasok sa trabaho o nang maayos dahil sa mga baha?

Paano kung magkasakit ka sa baha dahil sa halo-halong virus at germs na namamahay sa mga tubig-baha sa paligid sa pag-aapaw ng mga kasilyas, paglutang ng mga dumi ng mga hayop at paglaganap ng mga ihi ng daga, aso at iba pa?

Kung estudyante ka, paano ka makapasok sa eskwela at kung guro ka, paano ka ring makapagturo nang matino?

Kung mangingisda ka naman, paano ka makapalaot sa karagatan o mangisda sa mga rumaragasang baha?

Kung magsasaka ka, paano ang nasira mong mga pananim na tinumba ng ragasa ng tubig-baha saka inilibing ng mga putik o nabulukan kaya ng pananim?

At marami pang iba, sa totoo lang, mga Bro.

MGA REMEDYO NG PAMAHALAAN

Pinangungunahan mismo nang personal ng mga mataas na opisyal, punonglungsod, punongbayan at kapitan ang pag-aasikaso sa mga biktima ng baha, pagsurbey at pagtukoy sa mga pinagmumulan ng baha at solusyon sa mga ito at iba pang mga bagay na makatutulong o makapagpapagaan mabigat na kalagayan ng mga mamamayan.

Naririyan halimbawa sina Vice Presidentg Sara Duterte, Mayor Isko Moreno ng Maynila, Mayor Ruffy Biazon ng Muntinlupa City, Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, Mayor Marcy Teodoro ng Marikina City, Mayor Benjie Magalong ng Baguio City, Governor Pamela Baricuatro ng Cebu at marami pang iba.

KAKAIBANG KILOS

Pero kakaiba ang ginagawa ng ilang taga-Palasyo.

‘Yung unahing mag-abala, higit sa lahat, sa kung ano-anong bagay na nakasentro sa ganda ng nalalapit na State of the Nation Address ang pinagkakaabalahan ng mga ito.

Gustong palabasin, gaya ng dati, na oks lahat ang nangyayari, sa kabila ng mga katakot-takot na bahang nagaganap sa Pinas na nagiging sumpa sa sambayanan.

Tiyak na kasama sa mga pangunahing pinagkakaabalahan ng ilang taga-Palasyo ang paglalabas ng mga larawan na ayos na ayos ang itsurang marangal ng Pangulo sa litrato nito pagdating ng SONA sa iba’t ibang paraan gaya ng mga diaryo, social media, broadcast media at iba pa.

At “mabungang pakikipagmiting” nito kay United States President Donald Trump na nagtakda ng 20 porsyentong taripa sa lahat ng panluwas na produkto at serbisyo ng mga Pilipino at pagpapalayas na parang wala ni anuman at nakaposas sa 18 Filipino crew ng Carnival Sunshine cruise ship mula sa Port of Norfolk Virginia kamakailan lang.

Hayan tuloy, sinupalpal sila mismo ni Pangulong Bongbong Marcos sabay utos sa mga ito na dapat na unahin o higit na asikasuhin ng Palasyo ang mga biktima ng masamang panahon at baha.

Anak ng tokwa naman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here