MANILA, Philippines – Tumatanggap na ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng cashless payments sa ilang station turnstile at hindi na kailangang bumili ng tiket sa mga teller booths.
Sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na ang mga turnstile na ito ay tumatanggap ng Gcash Commuter QR code, mga Android phone na may Near Field Communication (NFC)-enabled payment at lahat ng Mastercard at Visa debit at credit card.
Ang rollout ng cashless payment sa MRT-3 ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na gawing mas maginhawa at walang problema ang karanasan ng komyuter.
Ayon kay Dizon, pareho lamang ang ikakaltas sa mga card o Gcash kung bibili ng single journey ticket.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi na kailangang magpunta sa ticket counters o booth para bumili ng single journey ticket kapag gagamit ng cashless payment turnstile.
Ang DOTr ay nakipagtulungan sa bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), landbank, GCash, Visa at Kentkart sa pagtatatag ng cashless paymeny system.
Sa kabilang banda, ilulunsad din ang cashless payment ssytem sa Light Rail Transit Line 1 at Light rail transit Line 2 sa pakikipagtulungan sa RCBC. Jocelyn Tabangcura-Domenden