Home NATIONWIDE 3 patay sa pagbaha sa Calumpit, Bulacan

3 patay sa pagbaha sa Calumpit, Bulacan

315
0

MANILA, Philippines — Tatlo ang nasawi sa bayan ng Calumpit, Bulacan sa gitna ng pagbaha dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan mula sa Bagyong Emong at habagat noong Hulyo 24 at 25.

Kinilala ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang isa sa mga biktima na si Christian Grabahim, 37, construction worker mula Guiguinto, na nalunod habang nangingisda sa binahang palayan sa Barangay Pungo bandang alas-4 ng hapon noong Biyernes.

Ayon kay Calumpit MDRRMO head Enriquito Santiago Jr., nadulas si Grabahim at nahulog sa malalim na bahagi ng palayan na may malakas na agos ng tubig. Hindi na siya naisalba ng kanyang mga kasama at agad humingi ng tulong sa mga rescuer na noo’y namimigay ng relief goods malapit sa lugar. Natagpuan siya bandang alas-5 ng hapon pero wala nang buhay.

Samantala, nasawi naman ang mag-asawang sina Felipe Razon, 74, at Ofelia Razon, matapos makuryente sa loob ng kanilang binahang bahay sa Barangay Calumpang noong Huwebes.

Ayon sa imbestigasyon, sinubukang kunin ni Felipe ang yero ng kanilang bubong na nahulog sa baha ngunit may nakadikit pala rito na live wire. Nang lapitan siya ng kanyang asawa para tumulong, parehong nakuryente ang dalawa.

Matagal bago nakalapit ang mga rescuer dahil sa panganib ng live wire sa baha. Isang team mula sa Meralco ang dumating para putulin ang kuryente pero huli na ang lahat.

Lima hanggang anim na talampakan na ang lalim ng baha sa Calumpit dulot ng sunod-sunod na bagyo, habagat at high tide mula Manila Bay.

Idineklara na ng lokal na pamahalaan ang state of emergency noong Hulyo 22 para mapabilis ang paglabas ng tulong sa mga apektadong residente. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here