MANILA, Philippines – Nagprotesta ang iba’t ibang grupo nitong Lunes, Hulyo 28 sa umano’y mga hadlang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pagsasabing isa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga dapat sisihin sa delay.
Kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address ni Marcos ay nagmartsa ang iba’t ibang grupo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Dismayado si dating ACT Teachers party-list representative France Castro sa mga pangyayari kaugnay sa impeachment case ni Duterte.
“Sino ang dapat na sisihin kung bakit nagkakaroon ng delay sa pagpapanagot sa impeachment? Si Marcos, ang liderato ng Senado. Dahil inuuna pa ang mga personal na mga posisyon, personal na mga interes laban sa hustisya. Ang Supreme Court, inuna pa ang kapakanan ni Sara Duterte,” ani Castro.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi mapatalsik si Sara Duterte. Patalksin si Sara Duterte, i-impeach si Sara Duterte. Tayo yung magsisilbing hukom at gagamitin ang buong lansangan para gawin nating korte. So tayo ay maniningil kay Sara Duterte, [at] kay Marcos na nagpabaya,” dagdag pa niya.
Sinita naman ni Kiko Aquino Dee, isa sa mga naghain ng impeachment complaint laban kay Duterte, ang mabagal na aksyon ng pamahalaan sa tinawag niyang misappropriation of funds.
“Simpleng ang mga tanong namin. Tama ba ang paglustay ng pera ng DepEd sa kalagitnaan ng isang krisis sa edukasyon? Tama ba ang pagbanta ng karahasan at pagpatay sa kahit sinong mamamayang Pilipino? Imbes na sagutin ang mga tanong na ito, pinaglaruan ng kamara ang impeachment complaint mula Disyembre hanggang Pebrero,” sinabi ni Dee, na tumutukoy sa mga kwestyon sa paghawak ni Duterte sa pondo ng education department nang siya ay kalihim pa nito, maging ang mga naging pagbabanta nito laban sa Pangulo.
“Nagpatumpik-tumpik ang Senado mula Pebrero hanggang Hunyo at ginawang mas makitid ng Korte Suprema ang butas ng karayum na kailangan natin daanan para makapit ang hustisya ngayong Hulyo,” dagdag pa niya na tumutukoy naman sa ruling ng Supreme Court na ang articles of impeachment laban kay Duterte ay unconstitutional.
“Hanggang ngayon naghuhugas-kamay ang Malacañang dahil ang pagpapanagot sa isang mataas ng opisyal ay hindi raw makakatulong sa iisang Pilipino. Hindi talaga nakakatulong ang impeachment sa mga makapangyarihan. Pero baka nakakalimutan nila, hindi lang sila ang mga Pilipino, Pilipino tayong lahat. Habang hindi napapanagot ang mga katiwalian at impunity, Pilipino ang ninanakawan. Pilipino ang pinapapatay,” dagdag ni Dee. RNT/JGC