MANILA, Philippines – Sa mga hindi pa nakakatanggap o nakakapag-claim ng kanilang mga plaka, maaaring makuha ito sa mga checkpoint na itinayo ng mga patrol vehicle ng Land Transportation Office (LTO) sa mga pangunahing lugar.
Ayon sa LTO, kung available ang plaka sa patrol vehicle, ibibigay ito sa mismong lugar. Kung wala ang mga plaka sa patrol vehicle, tutulungan na lang ng LTO enforcers ang rider na masubaybayan ang status ng kanilang mga plaka.
Ayon sa ahensya, ang programa ay unang ipatutupad sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, dahil ang mga rehiyong ito ang may pinakamataas na bulto ng hindi pa nakukuhang plaka ng motorsiklo.
Gayunpaman, hindi sinabi ng LTO kung kailan magsisimula ang programa.
“This time, they should not be afraid because there’s no penalty if they have no plates. Instead, their plates will be handed to them on the spot,” ayon kay LTO Chief Asst. Sec. Vigor Mendoza.
Ito ay ilang linggo matapos ipahayag ng Department of Transportation na na-clear na ang natitirang backlog ng 5.4 milyong plaka ng motorsiklo.
Inatasan din ni Mendoza ang mga regional at district offices ng ahensya na makipag-ugnayan sa mga local government units, motorcycle rider groups, at tricycle operators at mga asosasyon ng mga driver para imulat ang kaalaman kung paano nila maaangkin ang kanilang mga plaka.
Maglalagay din ng mga kiosk at assistance desk sa mga parking area at hub ng motorsiklo para sa kampanya, dagdag ng LTO. RNT/MND