Home METRO GIS technology ng Maynila, nakasungkit ng silver award sa Seoul Smart City...

GIS technology ng Maynila, nakasungkit ng silver award sa Seoul Smart City prize

1
0

MANILA, Philippines — Hindi lang medalya ang iniuwi ng Maynila mula South Korea matapos kilalanin sa Seoul Smart City Prize 2026 ang paggamit ng lungsod ng makabagong teknolohiya para sa disaster response at pamamahala ng lungsod.

Nasungkit ng City of Manila ang Silver Award sa Tech-Innova City category dahil sa paggamit ng Manila Innovation Integrated GIS and Data Hub, isang sistema na pinagsasama ang digital mapping, spatial analysis at real-time data monitoring.

Sa pamamagitan nito, mas napapalakas ang paghahanda at pagtugon ng lungsod sa baha, sunog at iba pang emergency sa anim na distrito ng Maynila.

Ikalawa ang Manila sa naturang kategorya, kasunod ng Gold awardee na Madrid, Spain, habang kapantay nito sa Silver ang Buenos Aires, Argentina. Bronze awardees naman ang Cuenca, Granada at Konya, Turkey.

Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, patunay ang pagkilala na nakakasabay ang Maynila sa mga lungsod sa buong mundo pagdating sa paggamit ng teknolohiya para sa disaster management.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi lamang award ang mahalaga kundi ang kaligtasan ng bawat Manilenyo na layunin ng naturang sistema.

Pinangunahan ni Ramon Jefferson P. Verano, OIC ng Electronic Data Processing Services sa Office of the Mayor at concurrent Chief ng Manila Innovation and Integrated GIS and Data Hub, ang operasyon ng GIS hub sa ilalim ng MCDRRMD.

Pinuri rin ni Domagoso ang mga tauhan ng GIS team at disaster risk reduction personnel na bumuo ng sistema mula sa simula sa kabila umano ng limitadong resources.

Ang Manila ang tanging lungsod mula Pilipinas na nagkamit ng award sa naturang kompetisyon, na kumikilala sa mga lungsod na gumagamit ng teknolohiya at inobasyon para mapahusay ang urban governance.

Para sa pamahalaang lungsod, bawat pisong inilalagay sa GIS technology ay investment sa mas mabilis na aksyon at mas ligtas na komunidad tuwing may kalamidad o emergency. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here