MANILA, Philippines – Inaasahang madidischarge na sa ospital si dating DPWH Region IV-B Maintenance Division chief Juliet Calvo matapos ma-stroke, ayon sa Sandiganbayan Sixth Division nitong Martes.
Sinabi ng abogado ni Calvo na si Edwin Labro na nakatakda na siyang ma-discharge kapag pinayagan ng kanyang doktor. Dahil dito, kinansela ng korte ang nakatakdang pagdinig tungkol sa kondisyon ni Calvo matapos itong ideklarang “moot and academic.”
Na-stroke si Calvo noong Agosto 5 na nagresulta sa kanyang total paralysis, ayon kay Labro.
Nahaharap si Calvo at walo pa niyang co-accused sa non-bailable na kaso ng malversation of funds through falsification of public documents.
Nais sana ng kampo ni Calvo na manatili siya sa medical facility ng BJMP Female Dormitory sa Camp Caringal habang hindi pa siya nakakalakad. Gayunman, sinabi ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez na nasa BJMP ang pagpapasya kung maaari siyang manatili roon.
Nag-ugat ang kaso sa P289.4 milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro na sinabing may malubhang depekto sa istruktura.
Sa inspeksyon ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, nadiskubre na tatlong metro lamang ang steel sheet piles (SSP) ng proyekto, sa halip na 12 metro ang kinakailangan.
Gayunman, sa certificate of inspection na nilagdaan ni Calvo noong Marso 18, 2024, idineklarang sumusunod sa 12-meter requirement ang SSPs. Ang naturang dokumento ay kabilang sa requirements para sa unang progress billing ng contractor na Sunwest.
Ang Sunwest ay co-founded ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na dating chairman ng House committee on appropriations. Hindi na nakikilahok si Co sa paglilitis matapos ideklara ng Sandiganbayan bilang fugitive from justice.
Ang isang respondent na idineklarang fugitive from justice ay hindi maaaring lumahok sa proceedings o humingi ng judicial relief maliban kung kusang-loob siyang sumuko sa mga awtoridad. RNT/MDS