Home HOME BANNER STORY Inflation bumagal sa 0.9% noong Hulyo — PSA

Inflation bumagal sa 0.9% noong Hulyo — PSA

286
0

MANILA, Philippines — Bumagal sa 0.9% ang inflation rate ng bansa noong Hulyo, ang pinakamababa sa halos anim na taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, bumaba ang inflation mula sa 1.4% noong Hunyo dahil sa mas mabagal na pagtaas ng presyo ng kuryente at pagbaba ng presyo ng mga pagkain.

Ito ang pinakamababang naitalang inflation mula Oktubre 2019 na may 0.6%. Mas mababa rin ito kumpara sa 4.4% na inflation noong Hulyo 2024.

Dahil dito, pumalo sa 1.7% ang average inflation mula Enero hanggang Hulyo 2025, na mas mababa sa target na 2% hanggang 4% ng pamahalaan.

Ayon sa PSA, pinakamalaking dahilan ng pagbaba ay ang Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels na may 2.1% inflation mula 3.2% noong Hunyo. Malaki ang epekto ng pagbagal ng singil sa kuryente (1.3% mula 7.4%) at pagbaba ng presyo ng LPG (0.7% mula 1.5%).

Pumangalawa sa may ambag sa pagbaba ang Food and Non-Alcoholic Beverages na may -0.2% inflation mula 0.4% noong Hunyo. Bumaba ang presyo ng bigas at iba pang butil (-11.5% mula -10.3%) at gulay (-4.7% mula -2.8%).

Ang Transport index ang ikatlong pangunahing salik, na bumaba pa sa -2% mula -1.6%, dahil sa mas murang pamasahe sa dagat (5.2% mula 24.8%), gasolina (-10% mula -8.9%) at pamasahe sa eroplano (-11.8% mula -1.9%).

Bumaba rin ang food inflation sa 0.5% mula 0.1% noong Hunyo dahil sa patuloy na pagdeflate ng presyo ng bigas (-15.9%) at mais (-15.9%).

Naitalang mas mababang inflation rate rin sa karne (8.8% mula 9.1%), gatas at itlog (5% mula 5.1%), at ready-made food (2% mula 2.2%).

Para sa bottom 30% income households, bumaligtad ang inflation sa -0.8% mula 5.8% noong Hunyo, dulot ng mas mabilis na pagbaba ng presyo ng bigas (-17.8%), mais (-17.7%), at gulay (-1.9%).

Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, inaasahang mananatiling paborable ang inflation para sa natitirang bahagi ng 2025, ngunit patuloy silang magbabantay sa mga banta mula sa pandaigdigang merkado at tensiyong heopolitikal.

Sinabi ni Balisacan na bagama’t may mga naging bagyo nitong mga nakaraang linggo, inaasahan ng PAGASA na magiging maayos ang lagay ng panahon sa mga susunod na buwan, na makatutulong sa produksyon ng agrikultura.

Naglaan ang Department of Agriculture ng P495.4 milyon na ayuda para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng bagyong Crising, Dante, Emong, at habagat. Kabilang dito ang libreng binhi ng bigas, mais, at gulay.

Muli ring ilulunsad ng DA ang kanilang Quick Response Fund at mag-aalok ng walang interes na pautang na hanggang P25,000 sa ilalim ng SURE Loan Program. Pinabilis na rin ng Philippine Crop Insurance Corporation ang bayad sa mga apektadong magsasaka.

Inaabangan din ngayong buwan ang karagdagang 150,000 doses ng AVAC live vaccine laban sa African Swine Fever (ASF) mula Vietnam. Bumaba na sa 28 ang ASF-affected barangays mula sa 534 noong Oktubre 2024.

Maaaring makabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo.

“Makabuluhan lang ang mga numerong ito kung mararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino. Kaya’t patuloy ang aming pagsusumikap na mapanatili ang positibong trend at maprotektahan ang tunay na halaga ng pera ng mamamayan,” ani Balisacan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here