ZAMBOANGA DEL SUR — Patay ang tatlong katao habang dalawa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang trak na may kargang roller-compactor sa bayan ng Tigbao, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jonnel Gumapac, driver; Tata Nelmida, residente ng Tabina, Zamboanga del Sur; at Nonie Mandas, residente ng Sindangan, Zamboanga del Norte.
Ginagamot naman sa ospital ang mga sugatan na sina Jomar Jumuad ng Barangay Dao, Pagadian City, at Mark James Baliaso ng Barangay Sagasan, San Pablo.
Ayon kay Col. Bonifacio Arañas Jr., provincial director ng Zamboanga del Sur Police, naganap ang insidente bandang alas-3:30 ng hapon sa national highway sa Barangay Maragang, Tigbao.
Sa paunang imbestigasyon, patungong bayan ng Bayog ang trak nang mawalan umano ng kontrol ang driver na si Gumapac habang pababa sa isang matarik na bahagi ng kalsada, dahilan upang tuluyang mahulog sa bangin.
Ayon kay SFO3 O’Brian Pranza, fire marshal ng Tigbao Municipal Fire Station at miyembro ng rescue team, nahirapan silang iligtas ang dalawa pang biktima na naipit sa ilalim ng mabigat na kagamitan.
Umabot hanggang alas-3 ng madaling araw ng Martes ang rescue operation, at muling ipinagpatuloy bandang alas-5 ng umaga gamit ang backhoe para maiahon ang mga katawan.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico