Home OPINION TAYO ANG MUKHANG KATAWA-TAWA

TAYO ANG MUKHANG KATAWA-TAWA

235
0

NAPULOT ko ito sa isang Facebook post, at bagamat hindi ako sigurado kung totoong nagmula nga sa Japan ang kasabihang ito, may katwiran naman ang punto: “Whether it’s a machine, a house or a relationship — maintenance is always cheaper than repair. What you don’t maintain, you eventually lose.”

May katotohanan ang kasabihang ito para sa marami sa mga proyektong imprastruktura ng ating gobyerno — lalo na ang mga kalsada — na mistulang sinasadyang gawin para sirain. Sa Japan uli, nakatuklas ang innovators ng self-healing concrete na kusang nagseselyo sa sarili nitong mga bitak sa loob ng wala pang 24 oras.

Ayon sa mga ulat, ang additive sa nasabing konkreto ay gumagamit ng silicate-producing bacteria na nagiging aktibo lang kapag may tumagos na tubig sa bitak nito — awtomatikong gumagana ang isang chemical repair process na nagbabalik sa 95% ng orihinal nitong porma sa loob lang ng magdamag. Hindi na kailangang tapal-tapalan, ng walang katapusang bidding, o ng re-blocking na nagdudulot ng ilang linggong perwisyo sa trapiko.

Ang nasabing disenyo, maituturing na milagrosong konkreto – isang solusyon sa pagkasira ng kalsada para siguruhing mananatili itong matibay sa loob ng maraming taon.

Sarkastiko ang naging palitan ng opinyon ng mga anchors ng Bilyonaryo News Channel sa nasabing balita, na tinawag pa ng isa sa kanila bilang “bad news” — patama sa mga contractor na nakipagsabwatan sa mga opisyal ng gobyerno na kumukubra ng kickbacks sa paulit-ulit na “pagsasaayos” ng mga kalsada nang may ilang taong pagitan.

Sabi naman ng isa pa, higit na nakagugulat daw, kaysa ginamit na teknolohiya, ang katotohanang walang sinoman sa ating gobyerno ang interesadong gumamit nito. Prangka namang hirit ng ikatlong anchor, baka nga raw ipagbawal pa iyon sa Pilipinas.

Biro lang – oo naman. Pero may bahid ng katotohanan, dahil bukod sa malaking tipid na, tipid din ang maki-kickback ng ating mga halal na opisyal. Sila iyong mga binatikos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kawalan ng prinsipyo at pagmamahal sa bayan habang nasa puwesto.

‘Di pagiging makabayan

Nasa usapan na rin lang tayo ng pagiging hindi makabayan, marahil tama lang na ang Presidente at Bise Presidente ay maging mga huwaran ng serbisyo publiko na may pinakamataas na pamantayan.

Pero napapaisip ko sa dalas ng kanilang pagbibiyahe palabas ng bansa. Si President Bongbong Marcos, halimbawa, ay tadtad na ng tatak ang pasaporte na parang bilyonaryong nasa holiday, at ang huling biyahe niya sa India ay ang ika-35 beses na niyang paglabas ng bansa sa nakalipas na tatlong taon. Si VP Sara Duterte naman, abala rin sa pagsuyod sa mapa ng mundo kasama ang kanyang mga kapatid simula nang makulong ang kanilang ama sa The Hague.

Kahit isa man lang sa kanila ay siguradong ginagastusan ng pondo ng taumbayan, pero hindi na ako magugulat kung pareho sila. Kung hindi man, mas malaki ang pagkakasala ni Inday Sara — walang pakundangang inabandona ang kanyang tungkulin sa bayan, ang mamamayan, at ang kanyang bansa.

Sa kanyang speech sa Korea, kaswal niyang idineklara: “Wala sa kalingkingan ang Pilipinas” ng mga bansang kalilibot lang niya, kabilang ang Australia, Netherlands, at siyempre pa, Korea.

Ang tinukoy niya ay ang mismong bansang naghalal sa kanya sa puwesto, ang nagtiwala sa kanyang maluklok sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa, at nagbabayad sa kanyang sunud-sunod na biyahe. Ang maliitin ang sarili niyang bansa, na nagluklok sa kanya sa mataas na posisyon, habang nakatapak siya sa lupain ng dayuhang bansa, ay hindi lamang basta kawalan ng pagmamahal sa bayan o panlalait — isa itong pagtatraydor sa tiwala sa kanya ng mamamayan. Isang ugaling ka-impeach-impeach!

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here