NAPAKADELIKADO ang leptospirosis, nakasasakit, nakamamatay.
Kung hindi mo maagapan ang pagkapit nito sa iyo, baka pati pagdarasal mo, huli na para maligtas ka sa matinding pagkakaospital o kaya sa kamatayan.
Magastos na ang ospital, magastos pa ang burol at paglilibing.
Kung ikaw ang haligi ng tahanan, ‘yun bang === ikaw ang bumabalikat at bumubuhay sa buong pamilya, paano ang pamilya mo sa mga panahon na nagkakasakit at naoospital ka o makaraang nasawi ka na dahil sa leptospirosis?
MGA SINTOMAS
Ayon sa Department of Health, heto ang mga sintomas ng leptospirosis.
Magkakalagnat ka nang matindi at may kasamang pangangatog ng katawan.
Sasakit ang iyong kalamnan, magkakapantal at maninilaw ang balat at mga mata o mamumula ang mga mata.
Sasakit din ang iyong tiyan, magsusuka at magtatae.
Kung lumagpas ang mga ito sa dalawang araw at ayaw magbago ang iyong kalagayan makaraang uminom ka ng mga karaniwang gamot na labas sa nasabing mga sintomas, aba, magpakonsulta ka na sa doktor o kung kinakailangan, sa ospital ka na dumiretso.
Kung tinamaan ka nang matindi, aabutin ka ng apat na linggo sa ospital para magamot.
Malas na lang kung hindi ka aabot ng apat na linggo sa ospital at ang mga nakabarong na mga tauhan ng punerarya ang bahala sa iyong paglabas.
PAANO UMAATAKE ANG LEPTO?
Una, nagmumula ang bakteria na leptospira sa daga, kabayo, aso, baboy, baka at iba pang hayup.
Ikalawa, karaniwang mula sa ihi ng mga hayop ang kumakalat na bakterya at karaniwan ding humahalo sa mga tubig, kasama ang mga tubig-baha.
Ikatlo, kapag umapak ka sa tubig o tubig-baha na may halong leptospira, diyan ka na mamroblema o makapitan.
Ikaapat, kung may sugat ka sa mga paa o anomang parte ng katawan na dumikit sa tubig o tubig-baha, malamang na riyan papasok sa iyong katawan ang bakterya at may tama ka na kapag naramdaman mo ang mga nasabi nang sintomas.
NALE-LEPTO LIBO-LIBO
Halos magkapareho ang bilang ng mga nagka-lepto noong 2023 at 2024, nasa 4,112.
Mula rito, 475 ang namatay noong 2023 at 393 naman noong 2024.
Ngayong 2025, mula Enero hanggang Hulyo 19, may 3,037 na kaso.
May patay nang mahigit na 100 patay.
Pinakamarami ang nagka-lepto nitong Hulyo na halos isang buwang umulan at lumikha ng mga baha kahit saan, ayon sa DOH.
Nagsimulang mabilis na dumami ang mga biktima makaraang ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang pagdating ng tag-ulan noong Hunyo 8, 2025.
Sa Metro Manila, nitong nagdaang mga araw lang, may 20 namatay sa Quezon City at may 7 naman sa San Lazaro Hospital, Manila.
Mabangis at mabilis maminsala ang lepto ngayon, pahayag ni Dr. David Suplico, pinuno ng San Lazaro Hospital Medical Center.
Aniya, mga Bro, sinisira ng bakterya ang kidney, atay at baga na dahilan upang hindi makaihi o makahahinga ang biktima.
Kasama kaya sa mga nile-lepto ang mga nagsu-swimming sa mga baha, kumikita sa pagtulak o paghila sa mga naiistak na sasakyan sa baha o kumikita sa pagtatawid sa mga nababahang mamamayan?






