MANILA, Philippines – Patay ang tatlong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at tatlo rin ang sugatan matapos ang nangyaring pananambang habang sakay ang mga ito ng dalawang minivan sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur nitong Linggo, Agosto 10.
Sa ulat, ang isa sa mga sugatan ay ang commander ng 128th MILF Base Command.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga suspek sa pamamaril ay napag-alamang mula naman sa 118th Base Command ng MILF.
Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang mahigit 100 basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril.
Patungo sana ang mga biktima sa Pembalkan, Mamasapano nang tambangan sila sa Proper Linantangan sa Shariff Saydona Mustapha.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa clan war o “rido” ang nangyaring pananambang.
“So inaalam pa natin kung rido ba ito or talagang away lang ng mga grupo,” pahayag ni Maguindanao Police Provincial Office Spokesperson, Capt. Guiseppe Tamayo sa panayam ng GMA News.
Magpapadala rin ang kapulisan ng “written protest” sa pamunuan ng MILF.
“Usually, ang ginagawa ng ating kapulisan, magsu-submit ng written protest sa ating pamunuan ng ating peace-inclined groups, yung ating MILF, para magkaroon ng sanction yung mga ganitong tauhan nila na involved,” dagdag pa ni Tamayo. RNT/JGC