MANILA, Philippines – Mahigit kalahati ng mga nagtapos sa kolehiyo sa bansa ay nananatiling walang trabaho, ayon kay Commission on Higher Education (CHED) chairperson Dr. Shirley Agrupis, na nagsabing dapat magsilbing wake-up call ito para sa mga paaralan, estudyante, at mga gumagawa ng polisiya.
Sa isang pampublikong forum, iginiit ni Agrupis na ang diploma ay hindi garantiya ng trabaho.
“In the data of the 25,000 interviewed, only 3,000 were hired,” aniya, at idinagdag na hindi kakulangan sa teknikal na kaalaman ang dahilan kundi sa soft skills gaya ng pagsusulat, komunikasyon, at critical thinking.
Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) at feedback mula sa mga industriya, malinaw ang mismatch sa pagitan ng produkto ng higher education at pangangailangan ng labor market.
Bilang tugon, naglabas ang CHED ng memorandum na nag-aatas sa lahat ng unibersidad na isama ang on-the-job training (OJT) sa kanilang degree programs.
“We are compelled to deploy our students to an industry related to the degree program… Most of them are employed after OJT,” paliwanag ni Agrupis, ngunit binigyang-diin na “the diploma is not a guarantee for immediate employment.”
Tungkol sa isyu ng “mass promotion” sa basic education, nilinaw ni Agrupis na saklaw ito ng Department of Education (DepEd) at hindi ng CHED, bagama’t mahalaga ang matibay na pundasyon ng edukasyon bago pumasok sa kolehiyo.
“We are teaching the same Filipino from preschool to college. At what stage can we implant the right values so they grow up knowing their responsibilities?” tanong niya.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CHED sa DepEd at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng tri-focalized education framework upang iayon ang kurikulum sa teknikal at soft skills na kailangan ng mga employer.
Ipinresenta rin ni Agrupis ang bagong pitong-puntong ACHIEVE Agenda na magsisilbing gabay ng CHED mula 2025 hanggang 2030, kabilang ang flexible learning programs, harmonisasyon ng pananaliksik sa UN Sustainable Development Goals, paglikha ng unified data portal mula elementarya hanggang trabaho, at pagpapalakas ng global competitiveness sa pamamagitan ng academic mobility at international collaborations.
Ang forum ay inorganisa ng SEAMEO Regional Center for Educational Innovation and Technology (SEAMEO INNOTECH), isa sa tatlong regional centers ng SEAMEO na naka-base sa Pilipinas. Mula nang itatag noong 1970, patuloy itong nagbibigay ng de-kalidad na learning services, research, at solutions development para tugunan ang mga pangangailangan sa edukasyon sa Southeast Asia. RNT/JGC