Home NATIONWIDE Kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng doxycycline sa leptospirosis —DOH

Kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng doxycycline sa leptospirosis —DOH

248
0

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na kumonsulta muna sa doktor at kumuha ng reseta bago uminom ng doxycycline laban sa leptospirosis kapag na-expose sa baha.

“But ang pinaka-important message po dito is… bago ka gumamit ng doxycycline, kailangan mo ng prescription. So kailangan pa rin po talaga kakonsulta sa doktor… before kayo makakuha,” ayon kay Johanna Mallari-Abella ng DOH-Pharmaceutical Division sa isang talakayan ukol sa antimicrobial resistance awareness.

Paliwanag ni Abella, ang pag-inom ng doxycycline ay nakadepende sa antas ng exposure sa Leptospira bacteria na matatagpuan sa ihi ng daga.

Kahit walang sugat, aniya, posible pa ring mahawa.

“Kung nakatira po talaga kayo sa area na baha talaga… kahit wala kayong open wound, sometimes you still need to take to really prevent,” dagdag niya.

Batay sa gabay ng DOH, ang mga mababa ang panganib ay dapat uminom ng dalawang kapsula ng doxycycline sa loob ng 24 hanggang 72 oras matapos ma-expose sa baha.

Para sa may katamtamang panganib, dalawang kapsula araw-araw sa loob ng tatlo hanggang limang araw at 24 hanggang 72 oras matapos ma-expose.

Sa mga mataas ang panganib, dalawang kapsula kada linggo hanggang sa hindi na ma-expose sa baha.

Mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7, 2025, umabot na sa 2,396 ang kaso ng leptospirosis sa bansa. Ilang ospital sa Metro Manila ang nakapagtala ng pagdami ng pasyente matapos ang pagbaha dulot ng Habagat at sunod-sunod na bagyo. Gayunman, ayon sa infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, maliit ang posibilidad na mauwi ito sa health emergency.

Binigyang-diin ni Abella na ang maling paggamit at sobra-sobrang pag-inom ng antibiotics ay nagdudulot ng antimicrobial resistance (AMR) kung saan hindi na ume-epekto ang mga gamot laban sa impeksyon.

Noong 2019, naitala sa Pilipinas ang 15,700 pagkamatay na direktang dulot ng AMR at 56,700 pagkamatay na may kaugnayan dito.

Ayon sa World Health Organization, kabilang ang AMR sa pinakamalaking banta sa kalusugan sa buong mundo, na may tinatayang 1.27 milyong pagkamatay noong 2019.

Kung walang gagawin, posibleng umabot sa 10 milyon ang mamamatay dahil dito pagsapit ng 2050 at bababa ang gross domestic product ng 2% hanggang 3.5%. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here