MANILA, Philippines – Hindi makakapaglaan ng sapat na pondo ang Pilipinas para sa mga essential services nito na naaayon sa standards ng international and development partners ng bansa dahil lalampas na ito sa budget level.
Ito ang tugon ni Budget Secretary Amenah Pangandaman kasunod ng pagtatanong ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno ng Akbayan party-list kung bakit nananatili pa ring hindi sapat ang alokasyon para sa edukasyon, kalusugan at social protection habang ang panukalang flood control budget para sa susunod na taon ay nasa P274 bilyon.
“The proposed 2026 budget allocates just around 3.5% of the GDP [gross domestic product] for education versus the 4% to 6% recommended by UNESCO…about 2.2% percent for social protection versus the 5.1% of the GDP recommended by the International Labor Organization, and 1% for health as against the 5% percent GDP recommended by the World Health Organization. Bakit po paulit-ulit na parang ang pamumuhunan ng gobyerno natin para sa tao ay kulang?” ani Diokno.
“Kulang tayo sa edukasyon, kulang tayo sa kalusugan, kulang tayo sa social protection kumpara sa pamantayan ng ibang mga bansa,” dagdag pa niya.
Sumagot naman si Pangandamana na bagamat ang lahat ng ahensya ng pamahalaan ay batid ang ideal level ng pondo at ang proposed P10.1 trilyong halaga ng budget items para sa 2026, ang totoo ay hindi kayang pondohan ng pamahalaan ang lahat ng ito.
“Hindi po natin kaya pondohan lahat po itong mga standards na ibinibigay ng mga international at development partners. I think if we will add 5 percent, 4 percent, 3 percent, 2 percent and 1 percent altogether, sosobra na po sa sa budget level po natin. Kasi kailangan po nating i-prioritize din po ‘yung mga programang kailangan po natin pondohan,” ani Pangandaman.
“At ‘yan po ay nakapaloob sa Philippine Development Plan at saka sa mga roadmaps ng ating mga departamento. Sa susunod na taon po, ang mga prayoridad po natin, unang-una po ay education. Sinubukan po natin na at least kahit papaano matugunan iyong 4% [of GDP] na kinakailangan para po sa ating basic education at tertiary education. Sinubukan po talaga natin,” dagdag pa.
Sinabi rin ng Budget chief na tinaasan naman na ang badyet para sa kalusugan, agrikultura at social protection items mula sa kanilang 2025 allocation na ayon sa Philippine Development Plan at medium-term fiscal framework, kasama ang infrastructure spending na binubuo ng 5 hanggang 6% ng GDP. RNT/JGC