MANILA, Philippines – Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III na kailangan pang balansehin ang lahat bago magdesisyon sa petisyon ng taas-pasahe sa mga jeepney.
Nitong Lunes, Agosto 18 ay nagsagawa ng pagdinig ang LTFRB para sa P1 provisional fare hike petition.
Hiniling nito sa mga petitioner na Pasang Masda, Alliance of Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) na bumuo ng position paper at ipasa ito sa board sa loob ng 10 araw.
“We understand po – naintindihan po namin yung kanilang kalagayan. However, we would still want more data from them bago po kami magpatupad o bago pagbigyan man yung kanilang hinihingi,” ani Guadiz.
Humihingi rin ang ahensya ng datos mula sa Department of Economy Planning and Development sa posibleng impact ng mataas na pamasahe sa inflation.
“So babalansehin ho natin lahat yung kahilingan ng transport group, pangalawa yung request ng mga commuters and pangatlo, yung epekto nito sa ekonomiya,” paliwanag ni Guadiz.
Ayon kay Pasang Masda national president Roberto “Obet” Martin, matagal nang kailangan ang fare hike lalo’t inihain nila ang petisyon tatlong buwan na ang nakakaraan at mula noon ay umakyat na ang presyo ng diesel ng P4 kada litro.
“Ito’y isang pakiusap laman at ito’y pansamantala lang naman upang kaming mga drivers sa hanay namin ay makatugon naman sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” ayon kay Martin.
Sa pagdinig, ipinaliwanag ng legal counsel ng mga petitioner na si Atty. Veronica Soriano ang mga dahilan kung bakit kailangang aprubahan ng board ang petisyon ng kanyang mga kliyente para sa provisional increase.
Ipinunto ni Soriano ang “rapid and consistent oil price increase of fuel pries” at dapat ding ikonsidera ang presyo ng operational cost at maintenance expenses.
“Kahit naman po bumababa na in terms of fuel , yung operational cost po once nag-increase na yan,” sinabi ni Soriano.
Ayon naman kay Martin, ang kanyang mga miyembro ay nawawalan ng nasa P250 hanggang P350 na kita kada araw sa serye ng oil price increases.
Hindi na nila aniya mahihintay ang fuel subsidy ng pamahlaan.
Samantala, nais naman ni ALTODAP chairman Melencio Vargas ang mga kompanya ng langis na ipaliwanag ang kanilang basehan para sa serye ng oil price adjustments.
“Dapat ipaliwanag sa amin ng mga oil campanies ito sapagkay, ambababa mong makukuha tapos nagtaas bigla mong itataas? ‘di tubong lugaw ka,” ani Vargas. RNT/JGC