MANILA, Philippines – LABIS ang pasasalamat at kasiyahan ang ang naramdaman ng isang residente ng Smokey Mountain nang ipagkaloob sa kanya ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang unit ng Tondominium I na matagal na nitong pinapangarap at pinagsusumikapan na magkaroon ng permanenteng tirahan, Lunes ng umaga.
Personal na tinanggap ni Jessie Postrero mula kay Yorme Isko ang susi ng isang unit na isinuko na ng dating benepisyaryo na si Ms. Felisa Esquivel na nagpasiya ng lumipat sa bago nilang tirahan makaraang gumanda na ang takbo ng kanilang buhay.
Ibinigay din ng alkalde kay Ms. Esquivel ang P51,350 na kabuuan niyang ibinayad sa buwanang upa sa panahon ng kanyang paninirahan sa pampublikong pabahay ng Maynila batay sa ipinatupad na panuntunan ng lokal na pamahalaan.
Si Postrero ay una nang nag-aplay sa programang pabahay ng lokal na pamahalaan subalit hindi pinalad na mapili sa ginanap na raffle draw sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Ang Tondominium I, na may 15-palapag, ay isa sa flagship housing na proyekto ng Maynila na nakumpleto noong Pebrero 7, 2022 matapos simulan noong Hunyo 1, 2020.
Mayroon itong 168 na unit na may tig-42 metro kuwadrado dalawalang silid, dalawang elevator, day-care center, playground, livelihood center, parking slots, maintenance room at satteliet office ng lungsod na ang upa ng bawa’t benepisyaryo ay P2,000 kada buwan. JAY Reyes