Home OPINION NEGOSYONG LIGAL, HINIHINGIAN NG LINGGUHANG PAYOLA

NEGOSYONG LIGAL, HINIHINGIAN NG LINGGUHANG PAYOLA

247
0

NAKALULUNGKOT na iba na ang kalakaran ng mga nasa pulisya sa ngayon. Marami sa mga pulis lalo na mga opisyal ang sobrang gahaman na sa pagkakakitaan lalo na ang mga nasa ilalim ng local government unit.

Ang masaklap, ibang-iba ang galaw nila sa dapat nilang gawin. Dapat ay pangalagaan nila ang pamayanan at siyempre ang mamamayan.

Pero ang nangyayari, sila mismo ang nanggigipit sa mamamayan na hindi alam ng kanilang pinaglilingkuran.

Ito ang dapat makarating sa mga alkalde at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan na nakasasakop sa tanggapan ng mga police official na ito.

Isang halimbawa ay ang isang lungsod kung saan ang alkalde nito ay kabilang pa sa Mayors for Good Governance kaya naman ang hangad ng alkalde ay ang ikabubuti ng kanyang mamamayan lalo na mga botante.

Pero ang ilang opisyal ng pulisya na kanyang inaasahang gagawa ng maganda para na rin sa kanyang adhikain para sa lungsod ang mismong sumisira sa magaganda niyang pangarap para sa kanyang pinamumunuan.

Akalain mong ang ilang negosyo sa lungsod na ligal naman ay pinaghahatag ng mga ito ng lingguhan na halos parang iligalista. Ang isang unit lang ay nanghihingi ng “payola” na buong sa buong tropa ay tatlong opisyal pa ang binibigyan maliban pa sa hepe.

Ano ba yan? Ganyan na ba talaga katakaw sa pera ang mga pulis na ito? Ang ligal ay ginagawa nilang iligal na kailangang maglagay ng lingguhan?

Kailangang malaman na ito ni Philippine National Police chief PGen Nicolas Torre III upang makastigo ang mga pulis na ito. Ayaw ni C,PNP na madungisan ang pangalan ng PNP habang siya ang nakaupo.

Siyempre, kailangang mabatid din ito ng alkalde upang sa ganoon ay hindi na lumala pa ang problema sa kanyang nasasakupan. Pangalan din naman kasi niya ang masisira sa ginagawa ng mga pulis na ito.

Gen. Torre, Mayor ibubulong ko po sa inyo ang mga pulis na ito na sumisira sa magandang imahe na inyong iniingatan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here