HINDI na bago sa Manila Police District si District Director PBGen. Arnold Abad dahil natalaga na rin siya rito kaya’t alam na rin niya ang likaw ng bituka ng mga kriminal na gumagala sa Maynila.
Sa katunayan, naisasakatuparan ng MPD ang mahigpit na kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga pulis na tugisin ang mga tolongges na nambibiktima ng kanilang mamamayan, pati na ang mga kriminal na gumagawa pa rin ng pamamaslang kaya madalas kaysa hindi, kapag nambiktima ang mga kriminal, nagnakaw, sumalisi o pumatay, kaagad silang nadadakip ng mga pulis na patunay lang na epektibo ang utos ng alkalde na huwag hayaang makapamayagpag sa lungsod ang mga maling gawain dahil dito nakatuon ang pansin ni General Abad.
Yun nga lang, dahil abala ang heneral sa pagtugis sa mga kriminal upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod, abala rin pala itong isang dating opisyal ng Philippine National Police na sinibak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang ilang heneral.
Kahit kasi dalawang taon nang retirado ang nasabing opisyal ng PNP, aba’y siya pa rin umano ang nagbibigay ng basbas para makapagbukas ang mga operator ng iligal na sugal tulad ng illegal bookies ng karera, EZ-2, jueteng, kara’y krus at minsan daw ay may patupada pa.
Siya rin pala ang nagbibigay ng proteksyon para umano hindi mabulabog ang mga iligal na sugal sa lungsod kaya ang nangyayari, sa kanya umano nag-iintrega ng koleksyon ang mga “bagman” na nagsisilbing kolektor.
Noon palang kasagsagan ng kanyang pagiging opisyal ng PNP, kusa umano itong nagbitiw sa pwesto dahil sangkot sa isyu, hindi lang ng iligal na sugal, kundi maging sa iligal na droga. Pero sa kabila nito, mataas pa rin ang respeto sa kanya ng mga rank and file at police officials ng MPD kaya siya pa rin ang hinihingan ng mungkahi at mga panukala para mapaganda ang organisasyon.
Dahil nga kilala siya sa Maynila, pilit niyang inilapit ang sarili niya kay Mayor Isko Moreno. Hindi kaya batid ni Yorme ang pakay ng ex-PNP official na ito.
Ganito katikas ang naturang dating opisyal sa mga police official kaya hindi masyadong nalalantad sa bagong district director ang kabilang bahagi naman ng pagkatao nito. Hindi tiyak batid ni DD ang kanyang pagbibigay ng proteksyon sa mga iligal na sugal. Sa maikling salita ng mga tambay sa Tondo, bukol ang MPD Director dito.
Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.






