Home OPINION NASAAN SINA CO AT ROMUALDEZ?

NASAAN SINA CO AT ROMUALDEZ?

259
0

LUMILITAW ngayon na totoo ang ibinulgar ni Vice President Sara Duterte na dalawang tao lang ang kumokontrol sa pera ng taumbayan.

“Ang budget ng Pilipinas ay hawak lang ng dalawang tao. Hawak lang siya ni Cong. Zaldy Co at ni Cong. Martin Romualdez. ‘Yan ang katotohanan,” sabi ni VP Sara.

Si Speaker Martin Romualdez at dating House committee on appropriations chair Zaldy Co (Ako Bicol Party-list) ang sinasabing nagmamanipula sa alokasyon ng pambansang badyet.

Silang dalawa lang ang nasusunod, sila lang ang nakaaalam, sila ang mastermind.

At habang nagsisilabasan ang mga kakila-kilabot na detalye ng nangyaring pagnanakaw na may kaugnayan sa overfunded na flood control projects, ang dalawang taong ito ay nananatiling tahimik, walang imik.

Sabi nga, ang Pilipinas ay nahaharap ngayon sa isang nakakikilabot na sitwasyon, sa halip na sa isang maayos na gobyerno.

Mukhang tanga ngayon ang ating gobyerno, ang ating mga lider. Ang Pangulo, mas nagmumukhang tanga dahil hindi kuno alam na ninakawan na pala ng trilyon-trilyong salapi ang kaban ng bayan ng mga politiko at kontraktor ng mga guni-guning proyekto.

Ang kawawa dito ay ang taumbayan na harap-harapang ninakawan pero nananatiling nakararanas ng pagkalubog sa baha.

Nag-iimbestiga ngayon ang Senado at mag-iimbestiga rin ang Kamara para hanapin ang mga nasa likod ng pandarambong na ito.

Kaya nga ang tanong ay nasaan ngayon sina Romualdez at Co na silang utak ng pagmamanipula sa pera ng ating bayan?

‘Yung pera na para sa edukasyon, kalusugan at iba pa na dinala sa mga proyekto sa pagkontra sa baha ay hindi na makita.

Mantakin na sa loob lang ng tatlong taon, mula 2022 hanggang 2025, umaabot na sa 1.2 trilyong piso ang nalustay at napunta lang sa tiyan ng mga buwaya.

Humigit-kumulang 60 porsiyento ng halagang inilaan sa flood control ay sinagpang lang ng mga buwaya. Ang natitirang 40 porsyento ay ginamit para sa mga substandard na proyekto na walang silbi – at samakatuwid ay nawala rin.

Ang sakit sa dibdib na mapanood na may isang contractor na nagawa pang ipagyabang ang kanyang fleet ng mahigit 40 luxury cars. Sobrang nakagagalit.

Habang lumilitaw ang mga katotohanang ito, sigurado tayo na napakahusay ng sindikato ng mga mandarambong. Mas organisado sila kaysa organisadong krimen.

Kaya ba itong lansagin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. e mukha siyang nangangamote? O dahil kaya siya nangangamote sapagkat ang nasa likod ng sindikato ay kanyang mga kakampi o kaalyado.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here