
MANILA, Philippines – AABOT sa higit P605 milyon na mga puslit na sigarilyo mula sa Vietnam at China ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa loob ng isang warehouse sa Bulacan na nagresulta rin sa pagkahuli ng tatlo katao.
Sa ginawang media presentation ng BOC sa pangunguna ni Commissioner Ariel Nepomuceno, Deputy Commissioner for Intelligence Romeo Rosales, BOC spokesperson, Assistant Commissioner Atty. Vincent Maronilla at Customs Intelligence Director Tom Narcise, natukoy ng Intelligence Group ang mga puslit na sigarilyo sa loob ng Warehouse 6, Phil-Asia Industrial Compound, Plaridel, Bulacan.
Ayon kay Nepomuceno, direktang pagpupuslit ang ginawa ng mga nasa likod ng insidente. Hindi aniya dumaan sa bakuran ng BOC ang kargamento na ipinuslit umano sa isang pantalan sa Vitas, Tondo, Maynila, bago ibiniyahe papuntang Bulacan.
Ang insidente ang unang malaking accomplishment ni Nepomuceno laban sa pagpupuslit ng sigarilyo matapos maitalagang Customs Commissioner noong isang buwan.






