MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng tagapagsalita ng Bureau of Immigration (BI) na ang negosyanteng si Joseph Sy, na kinilala ng mga awtoridad bilang Chen Zhong Zhen, ay nasa Pilipinas bago pa man ang taon 1992.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nabatid nila na may long-term visa si Joseph Sy sa bansa kung saan ilang taon na umano itong nananatili.
“Ang visa niya po noong time na ‘yun was RA 7919. Ito po ‘yung binibigay na visa sa mga, parang pardon visa. Yung mga matagal na dito, binigyan ng long-term residence through RA 7919,” ani Sandoval sa isang panayam.
Nauna nang kinumpirma ng BI na inaresto ang Chinese na kinilalang si Chen sa Ninoy Aquino International Terminal 3 noong Agosto 21 dahil sa maling pagkatawan sa sarili bilang isang Pilipino.
Ang kumpanya ng negosyante, ang Global Ferronickel Holdings, Inc., ay humingi ng kanyang pagpapalaya, na binanggit na si Sy ay may hawak ng isang balidong pasaporte ng Pilipinas.
Samantala, tinawag ng Philippine Nickel Industry Association na hindi makatarungan ang nasabing pag-aresto, dahil napatunayan na si Sy bilang isang mamamayang Pilipino noong nagkaroon siya ng kaso sa imigrasyon noon. Gayunpaman, muling iginiit ni Sandoval na iba na ang kaso sa pagkakataong ito.
“We would also look and check kung meron pa siyang mga pending cases dito sa Pilipinas, which we are expecting din. Kasi syempre, kapag may citizenship issue na ‘yan, meron na ‘yan kakambal na mga other cases,” ani Sandoval.
Ipinahayag naman noong Lunes ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pagpapalista kay Sy bilang bahagi ng Philippine Coast Guard (PCG) Auxiliary unit, na nagsasabing nagpapanggap lamang si Sy bilang isang Pilipino tulad ng napatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Pagkatapos ay inihayag ng PCG noong Martes na inalis nito sa listahan si Sy sa Auxiliary unit nito dahil sa maling representasyon ng kanyang pagkamamamayan. JAY Reyes