Home NATIONWIDE Navotas sanitary landfill isinara; Isko umapela sa mga Manilenyo

Navotas sanitary landfill isinara; Isko umapela sa mga Manilenyo

239
0

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na handa ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila kung saan inilatag nito ang mga plano sa mga Manilenyo upang maiwasan ang krisis sa kalinisan makaraang ianunsiyo nito ang pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill (NSLF) ngayong Martes, Agosto 26, 2025.

Ibinahagi ni Domagoso sa kanyang social media page sa Facebook na lumiham sa kanya si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes upang abisuhan siya na simula Miyerkules, Agosto 27, ay sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF) na sa Rizal sila magtatapon ng basura.

Ayon kay Yorme, 30-kilometro ang layo ng San Mateo sa Maynila, kumpara sa 10-kilometrong pinagtatapunan nila sa NSLF.

“Ngayon, magkakaroon na ng pagbagal. Dahil sa advanced information na nakuha ko, two weeks ago pa tayo naghahanda. Binigyan ko ng direktiba si Director Kenneth Amurao at Department of Public Services (DPS) na gumawa ng plano kung saan dapat lumaki o lumobo ang dami ng truck na dapat i-provide ng ating contractor ng basura,” sabi ng alkalde.

Paliwanag ng alkalde, magiging mahirap na sa kanilang contractor na makabalik kaagad, hindi lang dahil sa layo ng lugar, kundi sa haharaping problema sa daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue at ang mahabang pila ng mga trak ng basura sa San Mateo landfill.

“Just imagine the 17 LGUs (in Metro Manila), and maybe from Rizal too, will now utilize one, the San Mateo landfill,” sabi pa ng alkalde kasabay ng pag-amin na kailangan nilang magdagdag ng gastos na pambayad sa contractor.

“It will cost us money, sad to say, but let me handle that. Alam ko malaki problema natin sa pera. What is important now is yung basura at yung kapakanan ng taumbayan,” sabi niya.

Dahil dito, umapela ang alkalde sa mga opisyal ng barangay, residente, ang mga establisimiento na makipagtulungan at ilabas lamang ang kanilang basura kapag dumating na ang trak.

“Baka lang magkaroon ng delay, lahat ng kababayan natin at lahat ng may negosyo, ako ay nakikiusap sa mga barangay officials na hangga’t maaari ay huwag po natin ilabas ang mga basura hangga’t hindi dumadating ang mga truck,” panawagan ni Mayor Isko.

“Gagampanan po namin ang aming tungkulin. Kailangan lang ang pakikiisa ng bawat tahanan, ng bawat pamilya – na magkaroon ng kusang disiplina. Pumanatag kayo, anuman ang pagsubok na ito ay kakayanin natin basta tayo ay nagtutulungan,” dagdag pa ng alkalde. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here